Dalawa lang ang pagpipilian: Mag-empake papuntang Basilan o mag-resign sa trabaho.

Galit na galit na sinabon ni Pangulong Duterte ang mga pasaway na pulis sa Metro Manila at ipinag-utos ang pagpapadala sa kanila sa Basilan bilang parusa sa kanilang mga nagawang ilegal.

Hayagang pinagalitan sa pagkakahilera sa hardin ng Malacañang, sinabi ng Pangulo na kung tatanggihan ng mga pulis ang dalawang-taong reassignment sa Basilan ay maaari namang tuluyan nang magbitiw sa serbisyo ang mga ito.

“Kayo lahat ngayon nandito, kasali kayo sa Task Force South. Padala ko kayo sa Basilan. Tumira kayo doon ng mga dalawang taon,” sabi ni Duterte. “Kung lumusot kayo [nang] buhay, balik kayo dito. Kung doon kayo mamatay, sabihin ko sa pulis, huwag na, magastos na para dalhin pa kayo dito. Doon na kayo ilibing.”

Eleksyon

Bilang ng mga Gen Z voters malaking porsyento nga ba sa eleksyon?

Binatikos sa pagtatangkang kumita nang extra sa ilegal na paraan, sinabi ng Pangulo sa mga pulis na dapat nang mag-empake ang mga pulis dahil ipadadala na sila sa Basilan sa loob ng dalawang linggo.

“Prepare to move out. I’ll give you two weeks from now, 15 days. Mag-ano na kayo. Start to move out. If you do not want to go there, go to your superior officer and tell them that you’re going to resign,” ani Duterte.

“Hindi ko kayo palusutin, sa totoo lang. Huwag ninyo akong hamunin ng barilan, talagang papatulan ko kayo, mga p***** i** ninyo,” dagdag pa ng Presidente.

‘MOST VICIOUS CRIMINALS’

Ayon kay Duterte, nais niyang magtatag ng isang military “battalion” upang tugaygayan ang mga gawain ng mga dating pulis at sundalo, na tinawag niyang “most vicious criminals” sa bansa.

“P***** i** papatayin ko talaga kayo sa harap ng Pilipinas. Kayo ang mag-droga-droga, anak ng— Pasensya na lang. Hindi ako magdalawang-isip. Kayo ang ma-extrajudicial killing talaga. Totoo ‘yan,” aniya. “’Pag naalis kayo, if you opt to retire, then behave, maghanap kayo ng hanapbuhay ninyo na malinis.”

Nasa 264 na pulis na may kinahaharap na iba’t ibang kasong kriminal at administratibo ang iniharap ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald dela Rosa sa Malacañang.

Sa kabuuan, 387 na pulis ang ipinadala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde para sa retraining, ngunit hindi lahat ang lumantad kahapon.

INISNAB

Sa nasabing bilang, 64 lang mula sa 183 operatiba ng Southern Police District ang lumantad, 42 sa 80 sa Northern Police District, 84 mula sa Manila Police District, 31 mula sa Eastern Police District at 43 mula sa Quezon City Police District.

May 123 pulis naman ang inisnab ang utos ni Dela Rosa na magtungo sa Camp Crame para iharap kay Duterte.

Sa isang panayam sa Palasyo, sinabi ni Dela Rosa na nahaharap ang mga nasabing pulis sa iba’t ibang kaso noong 2014 at 2015, kabilang ang robbery, extortion, kidnapping, at pagkakasangkot sa droga.

(Genalyn Kabiling, Bella Gamotea at Aaron Recuenco)