NAGSULPUTANG parang mga kabute sa Laguna de Bay ang malalaking fish pen. Ang mga may-ari o operator nito ay mga retiradong opisyal ng militar, mga sirkero at payaso sa pulitika, mga mayaman at maimpluwensiyang negosyante, mga mayor sa Rizal at Laguna.

Nang lumaon, nagtayo na rin ng fish pen ang mga negosyanteng Koreano at Taiwanese. Hindi naman nagtagal ang nasabing mga dayuhang negosyante sapagkat sila’y nalugi nang hagupitin ng bagyo ang kanilang mga fish pen, gayundin ang mga fish pen ng mga Pilipino. Nawasak ang mga fish pen at sila’y niloko rin ng kanilang mga katiwala. Ang ibang fish pen operator ay muling nagtayo ng fish pen upang makabawi sa pagkalugi.

Kapag bumagyo at nawasak ang mga fish pen sa Laguna de Bay, masaya ang maliliit na mangingisda sapagkat sila’y maraming nahuhuling bangus mula sa mga nasirang fish pen. May nagdadalawang balik sa lawa upang mangisda. Bagsak naman ang presyo ng bangus.

Nang bumagsak ang rehimen at diktaduryang Marcos noong Pebrero 25, 1986 dahil sa EDSA People Power Revolution, nagkaroon ng bagong pag-asa ang mga mangingisda sa Laguna de Bay. Umasang tutulungan sila ni dating Pangulong Cory Aquino. Naging katotohanan naman ang pag-asa ng mga mangingisda sa lawa sapagkat kumilos si Pangulong Cory Aquino.

Isang task force ang binuo ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) upang manguna sa paglutas sa problema sa lawa.

Sa nilagdaan na Memorandum No. 7, inatasan ang task force na suriin at lutasin ang problema sa Laguna de Bay. At noong Mayo 5-15, 1986, inatasan ng LLDA ang lahat ng may-ari ng fish pen na magparehistro. Natuklasan na isa sa mga matinding problema sa lawa ay ang tinatawag na “Inter-Locking Corporation”. Ito’y ang may-ari ng mga fish pen ay nasa kamay ng iisang tao na gumagamit lamang ng “dummy” na ang karamiha’y kanilang kamag-anak, asawa, kaibigan at iba pang kaalyado. Natuklasan din na sa Laguna de Bay ay umaabot sa 1,288 ang fish pen. Ngunit ang mga nagparehistro lamang ay 639 na katao na binubuo ng mga dating sirkero at payaso sa pulitika, mga retiradong heneral ng militar at iba pang maimpluwensiyang negosyante.

Bilang sagot sa problema sa mga fish pen sa Laguna de Bay, binaklas ng LLDA ang mga fish pen na sobra-sobra ang sukat. Ang pagbuwag ay tinawag na “Kalayaan sa Lawa, Kalayaan ng mga Mangingisda”.

Sa hangarin ng LLDA na maisaayos ang industriya ng fish pen, nagpatupad ng Fishing Zoning and Management Plan (ZOMAP). Dito ay natutukoy ang mga lugar... na dapat pangisdaan at ang navigational lane o daanan sa lawa. At sa pamumuno ni dating LLDA General Manager at Secretary for Environmental Protection Neric Acosta, bukod sa ZOMAP ay nilagyan din ng LLDA ng belt demarcation marker ang mga fish pen at fish cage sa Laguna de Bay. Sa nasabing paraan, mapapaalalahanan na doon lamang dapat itayo ang mga palaisdaan at mga aquatic structure.

Sa ngayon na panahon ng rehimeng Duterte, ipinagigiba na ang mga fsih pen sa Laguna de Bay na ang isa pangunahing layunin ay maibalik ang kalayaan at pagkakataon na makapangisda ang maliliit na mangingisda. Sa pagbuwag sa mga fish pen sa lawa, hindi maiiwasan na may mabuti at masamang epekto ito sa mga mamamayan na nabubuhay at umaasa sa mga biyaya ng Laguna de Bay. (Clemen Bautista)