Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na naging mapayapa at maayos ang mga isinagawang demonstrasyon sa iba’t ibang parte ng bansa bilang selebrasyon ng Labor Day noong Biyernes, Mayo 1.
Batay sa anunsyo ng PNP nitong umaga ng Sabado, Mayo 2, as of 7:00 PM noong Biyernes, umabot sa 58 kilos-protesta ang naitala nilang nakumpleto nang walang anumang “major untoward incidents.”
Sa mga kilos-protesta ring ito, tinatayang 13, 324 ang mga raliyista ang dumalo.
“Sa kabuuan, naging mapayapa at maayos ang paggunita natin ng Araw ng Manggagawa. Nagpapasalamat tayo sa ating mga kababayan na nakiisa sa mapayapang pamamahayag, at sa ating mga kapulisan na nanatiling kalmado, disiplinado, at nakaalalay,” saad ni PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Bagama’t may mga naitalang isolated incident sa ibang demonstrasyon, tiniyak naman ng PNP na hindi ito nakaapekto sa kabuoang mga gawain.
“May mga hiwa-hiwalay na insidente, pero hindi nito naapektuhan ang pangkalahatang kaayusan ng mga aktibidad. Patuloy nating pinapairal ang maximum tolerance, propesyonalismo at maayos na pakikipag-ugnayan sa lahat ng sektor,” pagtitiyak ni Nartatez.
Ang kapayapaan at kaayusan ng Labor Day ay iniugnay ng PNP sa malawakang koordinasyon ng publiko sa local government units (LGUs), partner agencies, at organizers ng mga kilos-protesta.
Sa muling pagbabalik sa normal ng mga susunod na araw, tinitiyak ng PNP na patuloy silang magiging alerto at mapagmatyag upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong bansa.
KAUGNAY NA BALITA: ‘No major untoward incidents:’ PNP, tiniyak kaayusan ng mga kilos-protesta ngayong Labor Day