NAPAKALAKING problema ng mamamayan sa kanilang mga lider na halos lahat ay sagad sa buto ang pagka-tradpol o traditional politician. Unang-una, ipinasa nila ang Oil Deregulation Law (ODL). Dahil dito, inalis nila ang dating kontrol ng gobyerno sa mga dambuhalang kumpanya ng langis sa pagpepresyo ng kanilang produkto.
Kaya, malaya nilang nagagawa ito depende kung anong halaga ang magpapalaki ng kanilang sikmura. Wala silang pakialam kung ito ay ikapipinsala ng mamamayan. Ang tanging gabay lang nila ay iyong hindi ikamamatay ng mga ito dahil baka wala na silang magawa kundi ang mag-alsa para idepensa ang kanilang mga sarili.
Kaya, tingnan ninyo, itataas o ibaba nila ang kanilang presyo depende sa mga dahilang sinasabi nila na walang pagkakataon ang mamamayan para malaman kung may mga batayan ito.
Hindi gaya noong wala pa iyong ODL, sa Energy Regulatory Commission nagsasampa ng kahilingan ang mga kumpanya ng langis na itaas ang presyo ng kanilang produkto. Nagpiprisinta sila ng ebidensiya para patunayan na may batayan ang kanilang kahilingan at ang mamamayan naman ay may panahon para pag-aralan at sagutin ito.
Dahil inalis ng mga pulitiko ang karapatang ito ng taumbayan at nasa mga kumpanya ng langis ang lahat ng laya para magpresyo ng kanilang produkto, naapektuhan ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Totoo, nagbaba rin ng presyo ang mga kumpanya ng langis, pero higit na malaki ang presyong itinatakda nila kapag nagtaas sila ng kanilang presyo. Sa pagtaas ng presyo ng langis at mga produktong petrolyo, tumaas din ang presyo ng mga batayang pangangailangan ng taumbayan. Hindi na rin ito bumaba kahit maibaba na ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Ganito na nga ang nangyayari, na siyang nagpapahirap sa taumbayan, ipinanukala pa ng mga mambabatas na patawan ng 6% excise tax ang diesel at kerosine na ginagamit ng nakararaming mamamayan lalo na ng mga dukha.
Higit na magtataasan ang mga pangunahing serbisyo at pangangailangan. Mabuti at ang nangunguna ngayon sa kilusan laban sa nais mangyari ng mambabatas ay mga tsuper at operator. Ikakasa na nila sa Pebrero 9 ang malawakang tigil-pasada upang iparamdam sa mga pulitiko na laban sa bayan ang nais nilang mangyari. (Ric Valmonte)