Inalala ni Sen. Robin Padilla ang naging pangangarap ng nasawing rookie ng Ateneo Blue Eagles na si Rene Baterbonia para maiahon sa kahirapan ang kaniyang pamilya.
Matatandaang ang Ateneo de Manila University mismo ang nag-anunsyo ng insidente ng pagkalunod ng dalawang miyembro ng naturang koponan na sina Baterbonia at Nigerian foreign-athlete Divine Athlete Divine Adili sa isinagawa nilang team building sa Dipaculao, Aurora, noong Hunyo 8, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: 'Is it just a team building?' Netizens, umalma sa pagkalunod nina Baterbonia at Adili!
Sa naging pahayag ni Padilla sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Hunyo 16, sinabi niyang isang mahirap na probinsyano si Baterbonia habang nangarap na maiangat ang kaniyang pamilya sa kahirapan.
“Isang mahirap na probinsyano ang nangarap at nagsumikap para maiangat ang kanyang pamilya sa paghihikahos,” pagsisimula niya.
Ani Padilla, isa raw si Baterbonia sa maraming Pilipino na pumunta sa Luzon para tuparin ang kaniyang mga pangarap sa paniniwalang naroon ang tinatawag na “Filipino dream.”
“Abot kamay ang tagumpay, mula sa kabundukan at malayong Isla ng Mindanao ay narating niya ang Isla ng Luzon kung saan mismo [nakasentro] ang tinatawag na ‘Filipino dream,’” aniya.
Dagdag pa niya, “Isang pangarap na binalot ng pangako. Isang pangako na ipinamana ng mga mananakop sa mga tawid dagat na pilit inaabot ng kanilang bawat na henerasyon.”
Diin ni Padilla, hindi raw malilimutan ng lahat ng kabataan sa Pilipinas ang naging pagmamahal ni Baterbonia sa kaniyang mga magulang at kapatid bilang kanilang aral at inspirasyon.
Pagpapatuloy ni Padilla, pinatutunayan daw ng mapait na sinapit ni Baterbonia ang katotohanan na wala sa “Imperial Manila” ang totoong “Filipino dream.”
“Ang pag alay mo ng iyong buhay ay magsisilbing apoy sa dibdib ng bawat Pilipinong tawid dagat para manatiling gising sa katotohanan na ang Filipino dream ay wala sa Imperial Manila,” pagtatapos niya.
Matatandaang kinumpirma ni Ateneo de Manila University President Fr. Roberto C. Yap SJ noong Lunes, Hunyo 15, ang pagre-resign ng Head Coach ng Ateneo Blue Eagles na si Tab Baldwin.
KAUGNAY NA BALITA: ADMU Pres. Fr. Roberto Yap, kinumpira pagre-resign ni Coach Tab Baldwin!
KAUGNAY NA BALITA: Atty. Torreon, 'di pinapasok sa burol ni Rene Baterbonia: 'Nakakahiya'