PABORITO naming interbyuhin si Julia Montes dahil napakanatural sumagot. Ito ang karugtong ng prangkahang one-on-one interview namin pagkatapos ng finale presscon ng kanyang long-running daytime seryeng Doble Kara.
Bakit napabalitang naghiwalay o nag-away sila ni Coco Martin?
“Eh, siguro hindi po kami nagkikita together, ‘tapos may bagong kapartner. Ganu’n naman po talaga, eh,” kaswal na sagot ng dalaga.
Aware ba siya na nali-link si Coco sa leading lady nito ngayon sa FPJ’s Ang Probinsyano na si Yassi Pressman?
“Opo, alam ko na may ganu’n, pero hindi kami nagkukuwentuhan ng personal ni Coco kasi more on work, puro work ang pinag-uusapan namin kapag nagkikita kami o nagkaka-text-an. Kumustahan lang.
“Minsan kapag napanood namin ‘yung (kani-kaniyang serye), sasabihin namin, ‘uy, ang ganda ng ano (eksena) mo, ah.
Ganu’n po kami,” kuwento ni Julia.
Bakit sa rami ng subdibisyon sa Metro Manila, sa kaparehong village ni Coco siya bumili ng bagong bahay?
“From the very start po, nag-uusap kami noon, hindi ko lang alam kung anong eksaktong work (serye), nagtatanong na ako kasi gusto kong magkaroon pa ng isa pang property and may tinitingnan ako na hindi pala okay ‘yun kasi may fault line.
“’Tapos sabi ko sa kanya, ‘Eh, ‘yun sa (subdibisyon nila ni Coco), nagtanong na po ako. At that time may commercial na akong ginawa, sabi nga niya, ‘Ay, maganda ro’n, doon nga ako nakakuha’. Sabi ko, ‘Ah, talaga? Maganda ba?’ ‘Tapos nag-check na ako, pero at that time, hindi ko pa kaya kaya inihinto ko na muna.
“’Tapos hanggang sa everytime na mayroon akong serye, dumadaan ako ‘tapos nagtatanong ako doon sa mga lots kung magkano na. Hanggang sa naging decided na akong kunin, pikit-mata po na kinuha ko. Feeling ko naman, ibibigay ni Lord ang trabaho kapag may sinimulan akong investment which is ‘yun ang nangyari.
“So lot pa lang po noon, pero nu’ng binili ko ‘yung sa akin, midway na (ang construction sa bahay). Sa lahat ng pinuntahan kong lot at ready to (move in) na, ang gaan-gaan ng pakiramdam ko maglipat. Kaya sabi ko, parang okay ‘to.
“Sabi nga nila, kapag hindi ka makatulog at naiisip mo lagi ‘yung bahay, iyon na. So ako lagi kong nabi-visualize na doon ako nakatira na, kaya iyon na,” kuwento ni Julia.
Mayroon na siyang sariling bahay, naipagpatayo na rin niya ng bahay ang magulang niya at ang lola niya, ano pa kulang?
“Siguro po, ako hindi naghahanap, pero ang wino-work ko ngayon ay para po sa mga kapatid kong lalaki. Kasi (2) lalaki po sila, so kapag nagkapamilya sila, dapat mayroon sila kasi nakakaawa naman kung wala, mga bata pa and still studying, kaya more work-work.
“Hindi ko naman ma-secure ang future nila, what if kung wala pa silang work, at least may bahay na sila. Inaayos ko po, actually kaya ako bumili ng dalawang bahay ay para po sa kanila, hindi para sa akin,” pahayag ng aktres.
Maging noong baguhan pa lang si Julia, mas inuuna muna talaga niya ang kalagayan ang buong pamilya kaysa personal niyang pangangailangan. (Reggee Bonoan)