Binatikos kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang mga pahayag ng isang police anti-illegal drugs operative sa Amnesty International (AI) na nagsabing binabayaran ng national police headquarters ang mga pulis sa bawat napapatay ng pulis sa mga engkuwentro.
Sa isang panayam, sinabi ni Dela Rosa na gusto lamang siraan ang gobyerno at si Pangulong Duterte ng pulis—na may ranggong Senior Police Officer 1 (SPO1)—na nagsabing binabayaran sila ng P8,000 hanggang P15,000 sa bawat engkuwentro sa mga drug suspect.
Sa pagbubunyag sa AI, inilarawan ng pulis—na may isang dekada nang nagsisilbi sa PNP at bahagi ng anti-illegal drugs unit ng pulisya sa Metro Manila—kung paano sila binabayaran sa bawat “engkuwentro”, o ang terminong ginagamit upang palabasing lehitimo ang extrajudicial killing ng mga pulis.
Ayon sa pulis, binabayaran sila ng P8,000-P15,000 at per head ang bayaran. Ibig sabihin, kung ang operasyon ay laban sa apat na katao, P32,000 ang ibabayad sa mga pulis.
Sinabi pa ng pulis na mismong mga opisyal sa Camp Crame ang nagbabayad sa kanila ng cash.
“Hindi ko alam sinong nagbabayad sa kanila. Ako, personally, wala akong pera. Hindi bayaran ang mga pulis na ‘yun,” sinabi ni Dela Rosa sa mga mamamahayag na nagtipon sa Angeles City Police Station sa Angeles City, Pampanga kahapon.
“’Yan ang problema, they just make these statements. Its best that they (Amnesty International) reveal that person in the open. For all we know that is only meant to malign the Duterte administration,” dagdag niya.
Sa halip na magsalita sa media, sinabi ni Dela Rosa na dapat na pormal na maghain ng reklamo ang AI, pangalanan ang pulis at dumiretso sila sa Office of the Ombudsman upang maidepensa naman ng PNP ang sarili nito.
“Walang pondo ang PNP para d’yan… ‘yang bayaran ang pulis na pumapatay. Bakit mo siya babayaran?” ani Dela Rosa.
Ayon sa AI, ang pagpatay ng mga pulis ay epekto ng pressure ng mga opisyal ng PNP, kabilang na ang utos na i-“neutralize” ang mga sinasabing sangkot sa droga, gayundin ng pinansiyal na insentibo na nagbunsod ng ilegal na pagkakakitaan sa kamatayan. (Francis T. Wakefield)