Patay ang isa sa limang holdaper ng pampasaherong jeep sa pagtatangkang pasabugan ng granada ang mga pulis na umaresto sa kanya sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Police Supt. Robert Domingo, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 1, ang napatay na suspek na si alyas “Sitoy”, tinatayang nasa edad 35, nasa 5’5” ang taas, balingkinitan, at umano’y miyembro ng “Commando” gang.

Samantala, arestado naman ang kanyang mga kasama na kinilalang sina Ryan Lampon, 28, truck driver, ng Riverside, Katuparan, Tondo at King dela Cruz, 18, construction worker at residente ng Gate 7, Parola Compound, Tondo habang nakatakas ang dalawa pa nilang kasama na sina Jericho Bajar at “John Doe”, na kapwa umano miyembro ng “Bajar” gang.

Sa imbestigasyon, dakong 8:00 ng gabi nang holdapin ng mga suspek ang mga pasahero ng isang jeep, hindi nakuha ang plaka, sa southbound lane ng Road 10, malapit sa North Harbor Center sa Tondo.

Eleksyon

Philip Salvador, masayang number 1 sa boto 'beshy' na si Sen. Bong Go

Nagpanggap umanong pasahero ang limang suspek at sumakay sa naturang jeep at pagsapit sa naturang lugar ay kaagad na nagdeklara ng holdap.

Tinangay ng mga suspek, pawang armado ng mga balisong, ang pitong cell phone at pera ng mga biktima saka nagsitakas patungo sa iba’t ibang direksiyon.

Naaresto ng mga rumespondeng pulis at mga barangay tanod sina Lampon at Dela Cruz matapos na humingi ng tulong ang isa sa mga biktima.

Inginuso naman nina Lampon at Dela Cruz ang lugar na kinaroroonan ng kanilang mga kasamahan kung saan sila nagkasundo na magkita-kita.

Gayunman, nang salakayin ng mga pulis ang hideout ng mga suspek sa Building 23 sa Temporary Housing sa Tondo, nanlaban pa umano ang mga suspek at nakatakas sina Bajar at John Doe.

Tanging si Sitoy ang nadakip ng mga pulis ngunit tinangka umano nitong magpasabog ng granada kaya agad nila itong binaril.

Nakumpiska mula kay Sitoy ang granada, isang balisong, dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu at pera.

(Mary Ann Santiago)