Nag-alok si Pangulong Duterte ng tig-P1-milyon pabuya sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng mga National Bureau of Investigation (NBI) agent na isinasangkot sa pagdukot at pagpatay sa Korean na si Jee Ick-joo kung hindi susuko ang mga ito sa loob ng 24 oras.
Linggo ng madaling araw nang ipag-utos ni Duterte kay NBI Director Dante Gierran na gawin ang lahat upang mapasuko ang mga operatiba ng ahensiya sa susunod na 24 oras.
Nag-alok din siya ng P5-milyon reward sa sinumang makapagdadala kay Supt. Rafael Dumlao sa Camp Crame, o kahit sa harap ng Malacañang nang buhay man o patay.
Si Dumlao ang itinuturo ni Duterte na utak sa kidnap-slay kay Jee.
“Bakit malaki (ang reward)? Kasi ****a sinira mo ang pulis. Galit ako kasi pati ako napahiya,” ani Duterte.
Gayunman, nakumpirma niya rin kaagad sa nasabing press conference na nakabalik na si Dumlao sa Camp Crame nitong Linggo ng hapon at handa na umanong ilahad ang lahat ng nalalaman tungkol sa kaso.
Kinumpirma naman kahapon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na nasa kustodiya na ng PNP ang NBI asset na si Jerry Omlang, at ipina-reenact na nila rito ang nangyari.
Sinabi ni Aguirre na may isa pang NBI asset na sangkot sa kidnap-slay ang inaalam nila ang pagkakakilanlan.
Samantala, ipinagpaliban muna ni Senator Panfilo Lacson ang imbestigasyon ng kanyang komite sa “Tokhang-for-ransom”—na ipagpapatuloy sana sa Huwebes—para bigyang-daan naman ang internal cleansing sa PNP.
(Argyll Cyrus Geducos, Beth Camia at Leonel Abasola)