MISTULANG si Lazarus na nabuhay sa pagkamatay ang grupo ng mga pampublikong sasakyan dahil sa ikakasang nationwide transport strike sa mga susunod na panahon.

Kahapon, pinangunahan ng grupong Pagakkaisa sa Kinabukasan ng Industriya ng Transportastyon o PASAKIT ang pulong balitaan kung saan inihayag nito na magsasagawa sila ng panibagong kilos-protesta laban sa pagpapatupad ng kautusan ng Department of Transportation (DoTr) na nagbabawal sa pagbiyahe ng mga pampasaherong jeep at Asian Utility Vehicle (AUV) na may 15 taon pataas nang namamasada.

Ang presscon ay isinagawa sa isang restaurant sa Scout Borromeo Street, Quezon City na dinaluhan ng media organizations.

“The transport sector is fed-up, nagsasawa na po ang hanay ng transportasyon. In this situation of obvious dismal treatment of Tricycle, Jeepney, Taxi, Bus, Truckers Drivers, Operators nationwide from the past political administrations. As we support fully President Duterte’s program of #TunayNaPagbabago we likewise unite with @Du30 to cleanse the ranks and bureaucrats within the Government Agencies that are directly or indirectly cater to the needs of this group,” pahayag ng grupo.

National

Heydarian, happy sa 'immense progress' at latest HDI score ng Mindanao

Nanggagalaiti ang mga miyembro ng naturang grupo dahil sa kawalan umano ng konsiderasyon mula sa gobyerno; tiyak na maraming tsuper ang mawawalan ng hanap buhay sa pagpapatupad ng phase out sa mga lumang jeepney at AUV, na mas kilala bilang mga UV Express.

Ano nga naman ang magiging trabaho ng mga driver na maaapektuhan nito? Karamihan sa kanila ay ilang henerasyon nang pinagpasa-pasahan ang ganitong uri ng hanapbuhay.

Ito ang kanilang kinagisnan kaya ito na rin ang kanilang kamamatayan.

Kabilang sa mga pangunahing dahilan ng pamahalaan upang puntiryahin ang mga lumang public utility vehicle (PUV) ay ang matinding pagbuga ng usok ng mga ito na banta sa kalikasan at kalusugan.

Bukod dito, sinasabi rin ng awtoridad na inilalagay din sa peligro ang mga pasahero kapag sila’y sumasakay sa mga lumang PUV.

Parehong may katwiran ang dalawang kampo. Subalit sa kung sino ang mas matimbang at dapat katigan ay kayo na po ang magsabi.

Habang walang nailatag na “win-win” solution ang gobyerno ay nagpapatuloy naman ang mga transport strike sa iba’t ibang panig ng bansa.

Samantala, ang mga pobreng pasahero ang napeperhuwisyo. Walang masakyan tuwing umaga hanggang sa kanilang pag-uwi sa gabi.

Laging ang mga pasahero ang agrabyado, walang kalaban-laban.

Kailan kaya matatapos ang kalbaryo ng mga kauri ni Boy Commute?

Bukod sa sunud-sunod na transport strike, andyan din ang maya’t mayang pumapalpak na serbisyo ng LRT at MRT.

Ang tanong ni Boy Commute: Bakit kami ang pinarurusahan? (ARIS R. ILAGAN)