PINATUNAYAN ni rookie Matthew Wright na siya ang Mr. Right sa kampanya ng Phoenix sa OPPO-PBA Philippine Cup.

Nagpamalas ng all-around game ang 6-foot-4 Fil-Canadiam guard upang tulungan ang Phoenix para talunin ang NLEX at crowd-favorite Barangay Ginebra sa nakalipas na Linggo.

Nagtala si Wright ng average na 15.0 puntos, 8.5 rebound at 7.0 assist para sa Fuel Masters upang makamit ang parangal bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week (Enero 16-22).

Kinulang lamang ng isang assist ang dating St. Bonaventure University standout upang makumpleto ang una sana niyang career triple-double sa liga matapos magtala ng 12 puntos, 12 rebound at siyam na assist sa panalo kontra NLEX, 102-91, nitong Miyerkules.

Putol na ang sumpa! UST tinapos na ang 9 taon losing streak sa Ateneo

Laban sa Kings, nagposte siya ng team-high 18 puntos sa 79-73 panalo ng Phoenix.

Tinalo ng 25-anyos na si Wright na galing sa Asean Basketball League kung saan nagwagi sila ng kampeonato para sa KL Dragons noong isang taon ang mga kakamping sina JC Intal, Simon Enciso at Willy Wilson para sa lingguhang citation, gayundin sina San Miguel Beer forward Arwind Santos, Meralco guard Cliff Hodge, Troy Rosario at Roger Pogoy ng TNT, Alaska forwards Vic Manuel at Calvin Abueva at Scottie Thompson ng Ginebra. (Marivic Awitan)