UNTI-UNTI nang nakikilala si Christian Bables sa showbiz, pagkatapos niyang gumanap bilang ‘si Barbs, isang gay’ na best friend forever ng transgender na ginampanan naman ni Paolo Ballesteros sa Die Beautiful, ang nangunang sa box office race ng Metro Manila Film Festival 2016.
Sa panayam sa kanya ng Push.com, sinabi ni Christian na wala pa namang pagbabago sa kanyang sarili, sa pakikitungo sa kaninuman. Ganoon pa rin daw siya pagkatapos maipalabas ang Die Beautiful na nagbigay sa kanya ng best supporting actor trophy.
“Ayos lang, ganu’n pa rin naman. Medyo dumami lang ‘yung opportunities,” sabi niya.
Hindi naging madali para kay Christian ang pagpasok sa entertainment industry. Marami siyang pagsubok na pinagdaanan bilang ‘wannabe’ na nagbaka-sakaling makilala sa movie industry.
“Five years po akong aral nang aral ng acting since 2011. ‘Tapos napansin nina Ms. Roselle (Monteverde-Teo), ni Mother Lily, kaya ‘yon.”
Pinangarap niyang mapasama sa Star Magic pool of talents, kaya pinili niyang sa ABS-CBN mag-workshop. Nag-apply din siya sa Star Magic pero hindi nakapasa.
“Ilang beses din, pero laging hindi nakukuha. Pero do’n ko po napatunayan na may kanya-kanya talaga tayong panahon at may kanya-kanyang path. Kasi, dati nu’ng hindi ako natatanggap sa Star Magic, parang sabi ko, ‘Ah, parang wala namang gustong tumanggap sa akin, parang ayaw nila akong lahat.’ ‘Tapos siyempre, nu’ng hindi ako nakukuha, nawalan na ako ng kompiyansa. ‘Tapos nu’ng pini-present nila ulit ako, ayaw ko na kasi natatakot na ako,” kuwento ni Christian.
Masaya niyang ibinalita na parehong may offer sa kanya ang ABS-CBN at ang GMA-7 pero tinitimbang pa niyang mabuti kung anong istasyon ang pipiliin niya.
“Ngayon po nasa masusing pag-aaral. Ang natatanguan pa lang po namin ay si Ms. Roselle at si Mother Lily kasi ever since, nu’ng after ko pong manalo, sinabi ko na talaga sa mga managers ko na gawin naming priority sina Mother Lily kasi sila po ‘yung unang nagtiwala sa akin. Nu’ng walang gustong magtiwala, eh, itong si Ms. Roselle ‘yung nakakita na kaya kong gawin.
“Actually, parehas okey, eh. Ang gaganda ng offer po nu’ng dalawa (network). Nagga-gather lang po ng advices kung papaano at kung ano ‘yung tatanggapin namin,” naguguluhan pa niyang pahayag.
Part din daw ng konsiderasiyon niya sa pagpili ng TV network na pagtatrabahuhan ay ang mapasama sa teleserye.
“Opo. Bale both naman po maganda ‘yung offer.”
Pagkatapos maging supporting ni Paolo sa Die Beautiful, bida na si Christian sa susunod niyang pelikula under Chito Roño. Nakausap na rin daw niya ang director sa kanilang look test at excited siyang makatrabaho ito.
“Lalaki na po ako sa gagawin kong pelikula,” pabirong sabi ng aktor. “Pero hindi ibig sabihin no’n na hindi na ako tatanggap ng gay role. Okey pa rin po ako sa gay roles basta ‘yung mas challenging kesa sa una kong ginawa,” masayang pagtatapos niya. (ADOR SALUTA)