LEGAZPI CITY, Albay – Pinakamahalaga para sa 22-anyos na si Jessie Hallig, taga-Barangay Hinangra, Magallanes, Sorsogon, ang maipagamot ang 29-anyos niyang kuya na si Rhamil “Rham” Hallig, kaya naman gamit ang kanyang mountain bike, pumedal siya mula sa Pasig City hanggang sa kanyang bayan sa Sorsogon at biniyahe ang 600 kilometro sa loob ng apat na araw.
Nitong Enero 16, nagpasya si Jessie na magbisikleta na lang pauwi sa Magallanes upang matipid ang kanyang ipapamasahe na maidadagdag sa pagpapagamot sa kanyang Kuya Rham. Nai-post niya sa Facebook ang kanyang biyahe at nakasulat sa caption: “Magba-bike ako para sa ‘yo, Kuya Rham… Gusto ko lumaban ka… Kaya mo ‘yan… Kaya natin… Gagaling ka…”
Maraming netizens ang nakapansin sa post ni Jessie at bumuhos ang tulong sa kanya, kabilang ang ilang grupo ng mga motorcycle rider na nag-volunteer para maging convoy niya mula sa Pasig hanggang sa Sorsogon.
PAGKATAPOS NG NOCHE BUENA
Ayon sa kaibigan ni Rham sa Magallanes na si Ike, katatapos lang ng Noche Buena noong Disyembre 24 nang biglang mawalan ng malay si Rham, dinala sa ospital at nanatili roon ng limang araw. Napilitan ang pamilya na iuwi siya dahil sa kawalan ng pampagamot; libre ang pagpapaospital ngunit kailangang sagutin ng pamilya ang mga gamot niya.
Unti-unting lumala ang kondisyon ni Rham, na iniasa lamang ang nutrisyon sa “linanot”, o tinubigang kanin, at gatas.
Kuwento ni Ike, laging nakamulat at nakatirik ang mga mata ni Rham kahit tulog ito, hirap ding huminga at hindi tumitigil sa panginginig ang katawan.
INSPIRADO SA DUMADAGSANG TULONG
Habang patuloy na lumalaban upang mabuhay, pahirapan naman ang biyahe para kay Jessie—pangwalo sa siyam na magkakapatid, habang pang-apat naman si Rham—dahil hindi naman siya propesyunal na siklista.
“Hindi po ako nakakaramdam ng pagod magpadyak dahil maliban sa iniisip ko ang aking Kuya Rham, parang lagi akong nakakargahan ng energy dahil sa dami ng sumusuporta,” ani Jessie.
Sa buong panahon ng pagbibisikleta, inuulan naman ng tulong si Jessie. Sa bawat pagtigil niya, kasama ang Pinoy Predators motorcycle group, ay dumadagsa ang donasyon para sa kanyang Kuya Rham mula sa mga sumubaybay sa kanyang kuwento sa Facebook.
Sa pagdating sa kanyang bayan sa Bgy. Hinangra, isang malungkot na balita ang sumalubong kay Jessie: Pumanaw na ang kanyang Kuya Rham ilang oras pa lamang ang nakalilipas, dahil sa Immunocompromise Pnuemonia.
Nabigo man sa kanyang misyon, labis-labis pa rin ang pasasalamat ni Jessie sa lahat ng tumulong sa kanya: “Salamat po sa lahat lahat po. ‘Di ko po lahat masasabi dahil may pinagdadaanan pa po. Kung puwede ko po sanang makuha ang number n’yo po at makapagpasalamat po ako ng personal po sa inyo, message n’yo lang po sa akin. Maraming maraming salamat po. Hindi po mauubos ang pagpapasalamat ko sa inyo,” sabi ni Jessie. (Niño N. Luces)