MAGANDA ang pasok ng 2017 kay Ryza Cenon, sa kanyang trabaho man o sa lovelife. Bago natapos ang 2016, ginawa niya ang indie film na Manananggal na pinuri nang husto ng mga kritiko at manonood ang kanyang kahusayan sa pag-arte.
Ilang linggo rin siyang nag-guest sa Alyas Robin Hood at saka nagsimulang mag-taping ng Ika-6 Na Utos na pinagbibidahan nila nina Gabby Concepcion at Sunshine Dizon.
Dahil sa role sa serye na mang-aagaw ng asawa, naba-bash siya sa social media. Hindi na nga nakatiis ang boyfriend niyang si Cholo Barretto na sagutin ang basher na tumawag sa kanya ng “masamang babae.”
“Na-experience ko na rin na may ayaw magpa-picture sa akin dahil daw ang sama-sama ng role ko sa serye namin,” natatawang kuwento ni Ryza. “Ako naman, iniisip ko na lang na effective siguro ang acting ko dahil nagagalit sila sa akin. Nagpapasalamat pa ako sa kanila.
“Pero may times din naman na kapag nakikita ako sa labas, may mga tumatawag sa akin ng Ma’am Georgia, may nagsasabing pinapanood nila kami at may nagtatanong din kung magkakabalikan pa raw sina Rome at Emma.”
Sa napapanood ngayon, muling binalikan ni Rome si Emma, pero lagi pa rin silang nagtatalo tungkol sa pagtataksil ni Rome. gumagawa naman ng paraan si Georgia kung paano niya mababawi si Rome dahil wala siyang source of income kung tuluyan itong mawawala sa kanya.
E, sila ni Emma hindi ba muling magtatagpo?
“Meron po, at pinaghahandaan ko na ‘yon,” natatawang sagot ni Ryza.
Happy ang lovelife ni Ryza at very supportive ang boyfriend niya na nanonood ng serye at number one critic niya. Kung minsan daw ay may suggestion ito sa kanya at kung minsan naman ay pinupuri ang acting niya. Wala raw itong comment sa love scenes nila ni Gabby na siyempre ay tame naman dahil sa telebisyon nga sila napapanood.
Ilang beses na rin siyang isinasama ni Cholo sa events ng mga Barretto. Si Cholo na ba ang makakatuluyan niya?
“Sana nga po si Cholo na iyong huli, kasi tumatanda na rin naman ako, I’m already 29 at sa aming magkakaibigan, si LJ (Reyes) at si Chynna (Ortaleza), ako na lang ang walang baby. Pero siguro po mga two years pa bago ako magpakasal. Sa akin naman hindi importante ang wedding but the marriage, kung paano kami magsasama ng mapapangasawa ko. Gusto ko munang paghandaan ang pag-aasawa mentally and financially. Gusto ko pang makagawa ng isa pang indie film, nag-audition nga ako sa Goyong na pagbibidahan ni Paolo Avelino, sana mapili ako. Pero ngayon, dito muna ako sa Ika-6 Na Utos na sana ay magtagal pa dahil marami pang mangyayari sa story.
Salamat po kay Direk Laurice Guillen at sa mga kasama ko rito, dahil masaya kami parang isang family lalo na kung iisa ang location namin at magkakasama kaming lahat. Maraming salamat din sa lahat ng mga sumusubaybay sa amin araw-araw, pagkatapos ng Eat Bulaga.” (NORA CALDERON)