MELBOURNE, Australia (AP) — Anim na buwang tumalikod sa kompetitibong torneo si Roger Federer bunsod ng injury. Sa kanyang pagbabalik, tila walang nabago sa kanyang istilo at katauhan.

Nangailangan lamang ang 17-time Grand Slam champion ng 90 minuto para idispatsa si Tomas Berdych, 6-2, 6-4, 6-4, sa third round ng Australian Open nitong Sabado.

Nasopresa ang marami sa kaganapan, dahil hindi pipitsugin ang No.10 seeded na si Berdych na nagawang manalo kay Federer sa Wimbledon quarterfinals noong 2010 tungo sa final. Umusad din si Berdych sa quarterfinals o higit pa sa Australian Open sa nakalipas na anim na taon.

Inamin ni Federer na tataas ang antas ng kompetisyon matapos malusutan ang dalawang qualifier. Ngunit, sa panalo kay Berdych, tila may bagong kumpiyansa sa kanyang puso.

Kendra Kramer, balik-paglalangoy; may mensahe sa mga atleta

Sunod niyang makakaharap si No. 5 Kei Nishikori at kung makakalusot, matatapatan niya si top-ranked Andy Murray sa quarterfinals.

“It’s just crazy how quick I got out of the blocks,” pahayag ni Federer.

“What a difference it was in the feeling afterward. I did surprise myself. From the baseline, honestly, I felt worlds better than in the first couple of rounds.”

Nagwagi si Nishikori, 2014 U.S. Open finalist, kontra Lukas Lacko 6-4, 6-4, 6-4.

Umusad naman sa fourth round si five-time Australian Open runner-up Andy Murray nang patalsikin si No.31 Sam Querrey, 6-4, 6-2, 6-4.

Naubos ang Americans at Australians sa men’s draw matapos mapatalsik din si No. 23-seeded Jack Sock kay No.12 Jo-Wilfried Tsonga, 7-6 (4), 7-5, 6-7 (8), 6-3. Nagwagi naman si Daniel Evans kay Bernard Tomic 7-5, 7-6 (2), 7-6 (3).