Inaasahang magkakaroon na ng common railway station ang tatlong mass rail transit system sa bansa matapos lagdaan na ng gobyerno ang kontrata para sa konstruksiyon nito.

Pinangunahan ng Department of Transportation (DOTr) ang paglagda kahapon sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagtatayo ng common railway station ng Metro Rail Transit (MRT-3), Light Rail Transit (LRT)-Line 1, at MRT-7 sa pagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), SM Prime Holdings, Inc., Universal LRT Corp. Ltd., Light Rail Manila Corp., North Triangle Depot Commercial Corp., at Light Rail Transit Authority (LRTA).

Ayon sa DOTr, matapos maantala ng walong taon ay sisimulan na sa Disyembre 2017 ang konstruksiyon ng common station sa pagitan ng SM North EDSA at Trinoma sa Quezon City, na mag-uugnay sa mga terminal ng MRT-3, LRT-1 at ng itinatayo pa lang na MRT-7.

Sa taong 2020 tinatayang makukumpleto ang MRT-7, na bibiyahe mula sa North Avenue, Quezon City hanggang sa San Jose Del Monte City sa Bulacan.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Target na matapos ang P2.8-bilyon at 13,700-square meter na common station sa Abril 2019.

Inaasahang maseserbisyuhan nito ang nasa 80,000 pasahero kada oras. (Mary Ann Santiago at Bella Gamotea)