Dalawang beses nagkaroon ng aberya ang Metro Rail Transit (MRT-3) dahil umano sa technical problem at pansamantala ring naantala ang biyahe ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) bunsod naman ng isang natanggal na tarpaulin, kahapon ng umaga.

Sa abiso ng pamunuan ng MRT-3, dakong 5:15 ng madaling araw nang mapilitang pababain ang mga pasahero sa south bound ng Boni Avenue Station sa Mandaluyong City.

Makalipas ang ilang oras, bandang 8:04 ng umaga, ay muli umanong nagkaroon ng technical problem ang isa sa mga tren nito kaya kinailangan muling magbaba ng mga pasahero sa southbound ng GMA Kamuning Station.

Samantala, dakong 11:10 ng umaga nang maantala ang biyahe ng LRT-2 dahil sa isang natanggal na tarpaulin sa Sta. Mesa, Maynila.

National

Paalala ng PWS para sa flu season: 'Do not kiss babies that aren't yours!'

Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng Light Rail Transit Authority (LRTA), bumalot ang nasabing tarpaulin sa catenary wire ng isa sa mga tren kaya napilitan itong huminto.

Kinailangan pa muna aniyang tanggalin ang tarpaulin para sa safety at operational procedure bago tuluyang naibalik sa normal ang operasyon ng tren. (Mary Ann Santiago)