BACARRA, Ilocos Norte - Tatlong anggulo ang tinitingnan ng pulisya sa pagpatay sa isang lalaki na bukod sa 15 beses sinaksak ay pinutulan pa ng ari sa Barangay 34 Cabaruan sa Bacarra, Ilocos Norte.
Ini-report ni Melody Orencio, 38, waitress, ng Bgy. 34 Cabaruan, sa pulisya ang pagkakatuklas niya sa bangkay ni Prudencio Balicat, 58, sa gilid ng provincial road, nitong Lunes.
Sa panayam kahapon ng Balita kay PO3 Marcelino B. Corpuz Jr., sinabi niyang tinitingnan nilang anggulo ang pagkakasangkot ni Balicat sa kasong attempted murder, ang sinasabing pagiging lapitin ng biktima sa iba’t ibang babae, at ang posibilidad ng love triangle.
Natukoy sa pagsisiyasat na may 11 saksak sa katawan si Balicat, bukod pa sa apat na saksak sa ulo, at pinutulan din ng ari.
Nabatid na naimbestigahan na rin ang waitress na nobya ni Balicat na si Alicia Amor, na sinasabing inihatid pa ng biktima sa tinutuluyan nito. (Liezle Basa Iñigo)