TANAUAN CITY, Batangas - Patay ang isang retiradong sundalo na ngayon ay halal na barangay kagawad matapos pagbabarilin ng isang nagpanggap na inspector ng Commission on Audit (CoA) sa Tanauan City, Batangas.
Kinilala ng pulisya ang biktimang si Lauro Vicencio, 55, kagawad ng Barangay Pantay Matanda sa lungsod.
Ayon sa report ni PO2 Reagan Umali, dakong 10:00 ng umaga nitong Biyernes at naka-duty sa barangay hall si Vicencio nang dumating ang suspek.
Nagpasama umano ang suspek sa biktima upang bisitahin ang mga ipinagawang proyekto ng administrasyon ng barangay para magsagawa ng assessment.
Sumama si Vicencio sa suspek sakay sa motorsiklo, subalit habang nagbibiyahe ay pinagbabaril ng huli ang kagawad.
Nakarekober ang pulisya ng mga basyo ng bala ng .45 caliber pistol sa lugar ng krimen.
Inaalam pa ang motibo sa pamamaslang. (Lyka Manalo)