ALIAGA, Nueva Ecija - Isang 26-anyos na umano’y illegal recruiter ang bumagsak sa kamay ng Aliaga Police makaraang ikasa ang entrapment operation sa isang convenience store sa Barangay Poblacion Centro sa Aliaga, Nueva Ecija, nitong Linggo ng gabi.
Sa ulat ng Aliaga Police, kinilala ang naaresto na si Monica Castillo y Bautista, may asawa, ng Bgy. Santiago, na nahaharap sa illegal recruitment makaraang pangakuan umano ng trabaho sa Singapore si Jeanalyn Martinez y Rafael, 25, assistant pharmacist, ng Bgy. San Felipe, kapalit ng P120,000 placement fee, subalit hindi nakaalis.
Batay sa pagsisiyasat ni PO3 Adrian Lapitan, nagbayad ng paunang P11,000 si Martinez sa suspek noong Disyembre 14, 2016 sa tapat ng munisipyo sa Bgy. Poblacion West 3 at simula noon ay hindi na ma-contact ng biktima. (Light A. Nolasco)