IPAGDIRIWANG nina Cong. Vilma Santos at Sen. Ralph Recto ang kanilang silver wedding anniversary sa Disyembre 11 sa susunod na taon.
Ikinasal ang mag-asawa noong Disyembre 11, 1992 sa Lipa City Cathedral.
Sa ngayon, wala pa silang eksaktong plano para sa kanilang 25th wedding anniversary.
“Simple lang ang kaganapan, nag-dinner lang kami sa bahay, pareho kasi kaming busy,” sabi ni Cong. Vi nang kumustahin namin ang kanilang Christmas. “For next year, dahil 25th year na namin, baka ikasal kami ulit,” napatawang banggit ng Star for All Seasons.
Ikinuwento ni Ate Vi ang pag-propose ng asawa sa Christmas party ng Congress.
“Noon pa niya sinasabi, nu’ng anniversary namin... sabi niya, ‘I will propose to you again. ’Yun pala, ginawa niya ‘yun sa Congress party.”
Pinapamili siya ni Sen. Ralph kung biyahe around the world o sa church wedding. Mas pinili niyang bumiyahe.
“Kapag kasal, eh, di ba gastos ulit ‘yun? Pinapili ako, eh. Sabi niya, ‘Do you want to have another church wedding or mag-honeymoon tayo around the world?’ Hindi, kasi we love to travel.
“Every time we travel, that’s the only time na normal kami. Dito, ang buhay namin hindi normal. Kaya napansin ninyo, every year umaalis kami ng bansa. Kasi that’s the only time we have for each other. Natitimplahan ko siya ng kape.
“Dito hindi, may gagawa noon para sa kanya,” sambit ng original na grand slam queen.
Bakit hindi niya piniling pakasalan siyang muli ni Sen. Ralph?
“Well, let’s see... baka sa Las Vegas. I don’t know. Malalaman ko lang next year. Pero seryoso siya, eh. Since silver wedding anniversary namin, meron siyang gustong mangyari, eh,” sagot ni Ate Vi.
Memorable sa kanya ang Lipa City Cathedral. Kaya kung siya raw ang masusunod at kung matutuloy ang pagpapakasal nilang muli ay mas gusto niyang doon pa rin.
“Alam n’yo naman, doon sa Cathedral kami ikinasal noon. At nandiyan pa rin ang Cathedral ng Lipa. Given a chance, the same church, sa Cathedral ng Lipa. At saka very memorable talaga sa akin ang simbahan na ‘yun.
“ Akalain n’yo ba na maging mayor pa ako doon! At naging gobernador ng probinsiya ng Batangas,” sambit pa ng multi-awarded actress.
Samantala, happy si Ate Vi sa takbo ng relasyon nina Luis Manzano at Jessy Mendiola, dahil nakikita niyang masaya ang panganay niya sa piling ng dalaga.
“Masaya ‘yung anak ko, eh. Nakikita ko ‘yung mukha ni Lucky, masaya, silang dalawa ni Jessy. Siyempre, ‘pag happy ang anak ko, eh, mas masaya ako pa rin ako para sa kanya. Who are you to ano ba, eh, ‘yung mga bashers, eh, gusto lang mang-bash. Okey lang.
“’Tsaka kapag masaya ka, hindi mo na papakinggan ‘yung mga bashing, eh. Kaya sabi ko sa anak ko, ‘Huwag mo nang patulan. Basta ang importante masaya ka’,” banggit pa ni Ate Vi.
Gandang-ganda siya sa mukha ni Jessy. Kaya may mga nagsasabi na magiging maganda raw ang hitsura ng magiging anak ng dalawa, kung saka-sakali.
“Huwag na muna nating apurahin sila sa bagay na ‘yan. Basta ako, eh, nagagandahan sa mukha ni Jessy. Kapag pumupunta ‘yan sa bahay, walang ka-make-up-make-up,” saad pa ni Congresswoman Vi. (JIMI ESCALA)