Aabot sa 15 na mga Pilipino ang nasagip ng Department of Migrant Workers (DMW) laban sa banta ng ilegal na recruitment scheme sa Pasay City kamakailan.
Ayon sa ulat na ibinahagi ng DMW nitong Linggo, Hunyo 7, sangkot sa naturang illegal recruitment ang ahensyang “Samantha Manpower Recruitment Agency Inc., na base sa mga biktima, ay mayroong “expired” na lisensya.
Nangako umano ang ahensya na bibigyan sila ng siguradong trabaho sa Middle East—na napag-alamang modus lang pala.
Samantala, napagtanto ring hindi accredited ng DMW ang ahensya—na siyang hindi rin pala sumusunod sa basic health, safety, at welfare standards.
Batay pa sa DMW, nasagip ang mga Pinoy sa tulong ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sa kasalukuyan, ang mga na-rescue na mga Pilipino ay nasa pangangalaga na ng gobyerno—kung saan sila ay hinandugan ng pansamantalang matutuluyan at tulong-pinansyal.