MALUGOD na ipinaalam ng Department of Agriculture (DA) ng Caraga region ang matagumpay na rice program ngayong taon, inulat ng Philippines News Agency (PNA).
Ipinagmalaki ni Emmylou Presilda, spokesperson, sa isang forum na tinawag na “Knowledge Sharing and Learning for Local Media and Awarding of Partners” na idinaos sa isang convention center, na ang nasabing programa ay nakapag-deliver ng kabuuang 372,520 kg. ng high quality seeds (HQS), na pinakinabangan ng 3,862 magsasaka.
Nasa kabuuang 110 rice farmers association ang nakapag-avail ng intervention package na binubuo ng hybrid/certified seeds, inorganic fertilizer, zinc sulphate at iba’t ibang kemikal para sa pest and disease control.
Ang programa, ayon kay Presilda, ay nakapagbigay 88,600 kg. ng rice seeds; 370,000 kg. ng inorganic fertilizer; 3,400 kg. ng zinc sulphate; 3,000 liters ng fungicide/bactericide; at 500 kg. ng rodenticides.
Nakapagpatayo rin ng 30 farmer field school demonstration sites.
Samantala, P23.6 milyon ang inilaan sa construction at rehabilitation ng irrigation facilities sa rehiyon.
Isang maliit na water impounding project din ang ikinabit sa SSDSU, San Miguel, Surigao del Sur, habang isang diversion dam ang itinayo sa Ubod-ubod, Butuan City.
Isang maliit na farm reservoir ang itinayo sa Maharag, San Miguel habang tatlong diversion dam sa Lanuza, Surigao del Sur; Bacuag, Surigao del Norte at Buenavista, Agusan del Norte ang isinailalim sa rehabilitasyon.
Nakapamigay din ang nasabing programa ng 4WD tractors, walong hand tractor, limang floating trailer at tatlong transplanter na malaking tulong sa mga magsasaka sa land preparation at pagtatanim.
Bilang suporta sa farm mechanization, nakapagpamigay din ang departamento ng pitong rice reaper at 20 thresher na makatutulong sa mga magsasaka upang maiwasan ang post-harvest losses habang inaani, kumpara sa manu-manong pag-aani, ayon kay Presilda.
Kaisa sa nasabing aktibidad ang regional agriculture officials at mga personnel na pinangungunahan ni DA-Caraga regional technical director Nicandro Navia, Jr., at ng local media practitioners, at iba pa.