ANG taon na nagtapos kagabi — 2016 — ay isang malaking taon para sa Pilipinas. Naghalal ang bansa ng bagong pangulo ngunit malaki ang kaibahan niya sa mga nakalipas na pinuno ng bansa. Nangako siya ng pagbabago, at sa maraming aspeto ng buhay nating mga Pilipino, ito nga ang nararanasan natin ngayon. Kaagad na sinimulan ni Pangulong Duterte ang pagsasakatuparan sa kanyang ipinangako noong kampanya — ang tuldukan ang banta ng droga sa bansa—sa Unang Araw pa lamang ng kanyang administrasyon. Ang problema sa droga ay natuklasang nakalulula pa kaysa inakala. Sa kabuuang pagsisikap na masugpo ito, libu-libo na ang napatay, na nagpatindi sa pangamba ng ilang pinuno sa iba’t ibang dako ng daigdig na nagkakaroon na ng mga paglabag sa karapatang pantao.

Kasabay nito, nagpatupad ng mga hakbangin ang bagong administrasyon upang matuldukan ang ilang dekada nang rebelyon ng New People’s Army (NPA), ang armadong sangay ng Communist Party of the Philippines. Naidaos na ang mga paunang bahagi ng usapang pangkapayapaan sa Oslo, Norway, habang mayroon na ring hiwalay na mga pagsisikap upang mapagbigyan ang mga lehitimong kahilingan ng mga mapagpalayang puwersang Moro para sa higit na awtonomiya sa kani-kanilang lugar sa Mindanao.

Sa pagsisimula ng bagong taon, nagpupursige rin ang bagong administrasyon sa paglilinis sa maraming ahensiya ng gobyerno laban sa mga tiwali at palpak. Sa loob lamang ng tatlong linggo matapos niyang maluklok sa puwesto, nagpalabas na ang Pangulo ng executive order upang ilantad sa pagsusuri ng publiko ang mga pagpapasya, hakbangin at tala ng mga tanggapang ehekutibo. Isinusulong niya ngayon ang Freedom of Information Law upang saklawin ang pangkalahatang pamahalaan, kabilang na ang lehislatura at hudikatura.

Inaprubahan na ng Kongreso ang Pambansang Budget para sa 2017 na naglalaan ng bilyun-bilyong piso para maisakatuparan ang programa ng administrasyon sa pagbabago—sa pamamagitan ng malawakang mga proyektong imprastruktura sa iba’t ibang panig ng bansa, gamit ang mga serbisyong panlipunan at pang-edukasyon na layuning iangat ang mga agrabyadong sektor sa bansa, at sana rin, ay sa tulong ng mga programa na magpapakilos sa pribadong sektor upang magtaguyod ng mga aktibidad ng negosyo na magkakaloob ng mas maraming trabaho sa mamamayan. At hangad naman ng isang Constitutional Assembly ang isakatuparan ang napakalaking pagbabago na ninanais ng Pangulo—isang federal na uri ng gobyerno upang pag-ibayuhin pa ang kaunlaran ng bansa.

Sa ating mga pandaigdigang ugnayan, ang malaking pagbabago na hangad ng administrasyon ay ang para sa isang higit na nagsasariling patakarang panlabas. Makatutulong ito sa Pilipinas sa harap na rin ng hindi matapus-tapos na alitan ng mga bansa na lagi na’y nagbabanta ng malaking kaguluhan.

Sa bagong taon na ito ng 2017 na nagsimula ngayong araw, umaasa tayong ang napakaraming pagbabago na nasimulan noong nakaraang taon sa pagkakahalal ni Pangulong Duterte ay magbubunsod, una sa lahat, sa pagkakaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa ating bayan at sa ating pakikipag-ugnayan sa iba pang mga bansa.

At asahan natin na ang mga programang inilunsad ay makatutulong upang magkaroon ng mas maayos na buhay ang ating mamamayan, upang hindi sila maging saling-pusa sa sarili nilang bayan, at hindi na nila kailanganin pang iwan ang kani-kanilang pamilya upang maghanapbuhay sa ibang bansa. Ito marahil ang magiging pinakamalaki at pinakadakilang pagbabago sa lahat.