Agad na papalo sa pagbubukas ng taon ang The Philippine Tennis Association (Philta) sa pagbubukas nito sa kalendaryo para sa 2017 sa pagsasagawa ng 28th Andrada Cup simula bukas, Enero 2 hanggang 8 sa Rizal Memorial Tennis Center.
Isinasagawa bilang pagkilala kay Philta president Salvador Andrada, tampok sa torneo ang top junior player ng bansa na kinabibilangan ng mula Mindanao na si Janus Ringia at Gennifer Pagente, na kapwa naging double champion sa 2016 season-ending Philta-PSC Age Group Championships.
Si Ringia, mula Koronadal, South Cotabato at si Pagente na taga-Cagayan de Oro City ang seeded No. 1 sa 18-under at 16-under sa kani-kanilang dibisyon.
Ang iba pang top seed ay sina John David Velez (boys’ 14-under), Andrei Jarata (boys’ 12-under), Macie Carlos (girls’ 14-under) at Tennielle Madis (girls’ 12-under and 10-under unisex).
Ang Andrada Cup ang magdedetermina sa komposisyon ng pambansang koponan na sasabak sa apat na internasyonal na torneo ngayong taon.
Ito ay ang ITF/ATF Division 14-Under, Junior Davis Cup at Junior Federation Cup na gaganapin sa New Delhi, India sa Enero 28 – Pebrero 12 (ITF-ATF 14-Under), Pebrero 20-25 (JDC and JFC pre-qualifying), Marso 13-18 (JDC final qualifying) at ang Marso 20-25 (JFC final qualifying).
Ang World Juniors Tennis Championships pre-qualifying ay nakatakda sa Pebrero 27-Marso 4 sa New Delhi, India habang ang final qualifying ay isasagawa sa Marso 20-25 (boys) at Marso 27-Abril 1 (girls) sa Bangkok, Thailand.
(Angie Oredo)