SA kabila ng magkakasalungat na pananaw sa pagkilala sa tunay na bayani ng ating bansa, hindi nagbabago ang aking paniniwala na si Dr. Jose P. Rizal ang talagang dapat idambana bilang Pambansang Bayani ng Pilipinas. Taliwas ito sa paninindigan ng ilang sektor na dumadakila rin sa mga bayani ng ating lahi na marapat gawaran ng gayong karangalan —tulad nina Gat Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Apolinario Mabini at iba pa.
Sa hanay ng mga bayaning Pilipino — batay sa aking personal na obserbasyon — si Rizal ang namumukod-tangi, hindi lamang bilang pinakadakilang lahi ng ating bayan, kundi bilang Pambansang Bayani ng Pilipinas. Maaaring makasarili ang aking paninindigan sa isyung ito. Sa loob ng matagal-tagal din namang paglilingkod sa Rizal Centennial Council, National Heroes Commission at sa paminsan-minsang pagtuturo ng Rizal’s Life and Works sa isang unibersidad, kumbinsido ako na si Rizal ay karapat-dapat sa nabanggit na titulo. Hindi ito pagmaliit sa katapangan, katalinuhan at kabayanihan ng iba pang dakilang Pilipino, lalo na ng mga namuhunan ng buhay at dugo alang-alang sa ating kasarinlan.
Totoo na may lohika ang mga pag-aalinlangan sa pagiging Pambansang Bayani ni Rizal. Hanggang ngayon, walang batas, opisyal na dokumento at proklamasyon na nagkakaloob ng gayong titulo kay Rizal. Subalit sa mula’t mula pa, ito na ang karangalang ikinapit sa kanya.
Gayunman, sa paggunita ngayon sa kanyang kamatayan, nais kong bigyang-diin ang isang madamdamin at matagumpay na pakikipagsapalaran ni Rizal sa larangan ng medisina o panggagamot. Isa lamang ito sa maraming kurso na tinapos niya sa unibersidad sa bansa at sa iba pang panig ng daigdig. Isa siyang henyo sa lahat ng larangan ng karunungan.
Hindi natin malilimutan, halimbawa, ang kanyang matagumpay na operasyon sa mata ng kanyang ina — si Doña Teodora Alonzo. Hinangaan siya ng sandaigdigan. Katunayan, siya ang naging inspirasyon ng ating mga estudyante sa medisina, lalo na ang mga nagpapakadalubhasa sa mga sakit sa mata o mga opthalmologist. Si Rizal ang lagi nilang nagiging modelo sa maingat na operasyon ng glaucoma at katarata at iba pang kaakibat na karamdaman ng mga mata.
Si Rizal ang bukambibig ng mga opthalmologist, kasabay ng kanilang pagbibigay-diin sa mga pasyente: Pangalagaan at ingatan ang mga mata — ang liwanag ng buhay. (Celo Lagmay)