Hindi nakapalag ang isang lalaki makaraang ireklamo ng panggagahasa ng isang menor de edad na nagdadalantao sa Tondo, Maynila kahapon.
Sa ulat ni Police Supt. Robert Domingo, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 1, dakong 2:00 ng madaling araw nang arestuhin si Jayman Daguy, 24, binata, encoder, ng Tondo, Maynila.
Si Daguy ay inaresto matapos ireklamo ng isang 14-anyos na biktima, may live-in partner, ng Tondo.
Hindi na pinangalanan ni Domingo ang biktima at hindi na rin ibinigay ang kanyang eksaktong address para sa proteksiyon nito.
Batay sa reklamo, dakong 10:15 kamakalawa ng gabi nang pasukin siya ng suspek at gahasain habang mag-isa sa loob ng kanilang tahanan.
Kaagad namang inireklamo ng biktima ang pangyayari sa mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek.
(Mary Ann Santiago)