NAGHAHANDA ang bansa sa pagpapatupad sa sampung-taong masterplan na layuning makapaglaan ng irigasyon sa dagdag na 576,000 ektaryang taniman sa halagang P390 bilyon sa susunod na taon.
Inihayag ni National Irrigation Administration (NIA) Administrator Peter Tiu Laviña na nasaklaw na ng ahensiya ang 57 porsiyento ng kabuuang 3.2-milyong ektarya na lupaing nangangailangan ng patubig sa bansa. Ito ay tinatayang aabot sa 1.824 na milyong ektarya.
“Sa sampung-taong masterplan, target nating madagdagan ito sa 75 porsiyento ng 3.2-milyong ektarya,” sinabi niya sa mga mamamahayag, binigyang-diin na kabilang sa mga proyekto ang pagpapanumbalik at rehabilitasyon sa kasalukuyang mga sistema ng irigasyon at pagbubukas ng mga bagong taniman na patutubigan.
Sinabi ni Laviña na matatagpuan ang mga ganitong proyekto at sistema ng irigasyon sa buong bansa.
Inilahad din niya na ang mga nadagdag na patutubigang sakahan ay pawang palayan.
“Hindi natin maisasakatuparan ang pinupuntirya nating rice self-sufficiency nang walang tulong ng irigasyon,” ani Laviña.
Dagdag pa niya, nagbigay ng suporta ang China, Japan, South Korea at iba pang mga multilateral na ahensiya sa pinakaplano ng bansa sa irigasyon.
Kabilang dito ang pagkuha ng National Irrigation Administration ng P42.6-bilyon utang mula sa gobyerno ng China para sa anim na pangunahing proyekto ng bansa sa irigasyon.
“Sa anim na proyekto, dalawa ang nakumpleto na ang feasibility studies sa NEDA (National Economic and Development Authority) at handa na ang NEDA na talakayin ito sa Chinese Embassy,” sabi pa ni Laviña.
Bukod dito, sinabi ni Laviña nakikipagtulungan din ang bansa sa ngayon sa Asian Development Bank, World Bank, at United Nations Development Programme kaugnay ng mga proyekto nito sa pagtiyak sa sapat at maayos na irigasyon sa hangaring mapasigla ang produksiyon. (PNA)