SA tuwing may pagkakataon na makapagsalita sa publiko si Pangulong Digong, bihira na matatapos niya ito nang hindi binabanatan si Sen. Leila de Lima. Anuman ang okasyon, lagi niyang tinatalakay ang ginagawa niyang pakikidigma sa ilegal na droga. Hindi nakaliligtas sa matalas niyang dila ang Senadora na binansagan niyang biyuda ni Samson.

Galit daw siya rito dahil protektor umano ito ng droga sa New Bilibid Prison na nasa kanyang pamamahala noong siya pa umano ang secretary ng Deparment of Justice (DoJ). Pati ang pribadong buhay ng Senadora ay kanyang pinakialaman.

Hindi na lang niya hinayaang sarilinin ng Senadora na naging karelasyon nito ang kanyang driver-bodyguard na si Ronnie Dayan.

Hindi lamang kay Pangulong Digong bugbog-sarado ang Senadora, kundi maging sa mga kaalyado niyang mambabatas sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso. Pinatalsik siya bilang chairperson ng Senate Committee on Justice and Human Rights nang iniimbestigahan niya ang Davao Death Squad (DDS) na umano’y sangkot sa extrajudicial killing noong alkalde pa ng Davao ang Pangulo.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Inimbestigahan ng House Committee on Public Order and Illegal Drugs ang Senadora dahil nakinabang umano siya sa bentahan ng droga sa Bilibid. Ginamit umano ni De Lima ang pondo sa kanyang kampanya sa pagkasenador noong nakaraang halalan. Ang kapalit niyang DoJ Secretary na si Vitaliano Aguirre III ang nagprisinta ng mga testigo, na halos mga sentensiyadong preso, laban sa Senadora.

Pinagpistahan ng mga Kongresista ang pribadong relasyon niya kay Ronnie Dayan nang tumestigo ito pagkatapos siyang mahuli sa bisa ng arrest warrant na inisyu laban sa kanya ng House Committee dahil sa hindi niya pagsipot sa mga pagdinig nito. Dahil sa testimonya ni Dayan na kaya hindi siya sumipot dahil sa payo ng Senadora, inihabla naman ito ng obstruction of justice sa DoJ.

Iniluha ng Senadora ang sinabi niyang pang-aaping ito sa kanya. Pero, iba na siya ngayon, makamandag na ang kanyang dila. Tinawag niya si Pangulong Digong na “madman” at sinabihan niya ang kanyang Gabinete na sagipin tayo sa kanya.

Kasi, kung ang bintang ng Pangulo sa Senadora ay protektor ng droga, siya naman, ayon sa Senadora, ay gumagamit din ng droga. Hindi nga lang shabu kundi fentanyl na malakas na painkiller para sa may sakit na cancer, bagamat ipinagkakaila niya na siya ay may sakit nito. Naapektuhan na, sabi ng Senadora, ang kanyang pag-iisip at ang lahat ng kanyang sinasabi ay epekto ng gamot na ito.

At bakit hindi lalakas ang loob ng Senadora na bumuwelta kay Pangulong Digong, eh hindi naman pala matino ang ginagamit niyang mga tauhan laban sa kanya?

Ang pumalit sa kanya sa DoJ na si Aguirre ay nasangkot sa multi-million extortion. Totoo, hindi mismo si Aguirre ang lumalabas na nangikil, kundi ang mga opisyal na nasa ilalim niya, pero ang argumento ni Aguirre na imposible na hindi alam ng Senadora ang illegal drug trade sa Bilibid dahil nasa pamamahala niya ito noong DoJ Secretary pa siya.

Imposibleng hindi niya alam ang multi-million extortion na ginawa ng kanyang commissioners sa Bureau of Immigration.

(Ric Valmonte)