PINAKAMAKULAY at pinakamasaya ang Pasko sa lahat ng pagdiriwang ng mga Kristiyanong Katoliko sa Pilipinas at maging sa ibang bansa. May krisis man o wala sa kabuhayan, hindi napipigil ang pagdiriwang ng Pasko. At sa pagdiriwang na ito, maraming sagisag o simbolo ang nagpapagunita sa diwa nang isilang si Hesus sa isang sabsaban sa Bethlehem.

Mababanggit na halimbawa ang Belen. Inilalagy sa loob ng Simbahan, sa bukana ng iba’t ibang business establishment, sa mga tahanan at maging sa gusali ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. Sa nasabing Belen, naroon ang imahen ng Banal na Sanggol na nakahiga sa sabsaban; ang mga imahen ng Mahal na Birheng Maria, ni San Jose, ang tatlong Mago, ilang batang pastol kasama ang alaga nilang tupa. Sa Tarlac, tradisyon na ang paggawa ng Belen na kung tawagin ay ‘Belenismo”.

Isa pa sa sagisag o simbolo ng Pasko ay ang parol. Sa ibang lugar ay tinatawag na star o estrelya, bituin o tala.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Tinatawag na Star of Bethlehem.

Ang talang sumikat ay ang naging palatandaan ng pagsilang ng Dakilang Manunubos at ang naging gabay at patnubay ng Tatlong Mago nang dalawin at bigyan ng aginaldo ang Banal na Manunubos. Kilala rin ang Tatlong Mago sa tawag na Tatlong Hari na ipinagdiriwang ang kapistahan tuwing ika-6 ng Enero. Ngunit mula noong 1970, sa Pilipinas, ay inilipat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pagdiriwang ng kapistahan ng Tatlong Hari sa unang Linggo ng Enero matapos ang Bagong Taon. May mga bayan naman na nananatili pa ring Enero 6 ang pagdiriwang tulad sa ibang bansa sa daigdig.

Ang mga parol sa lahat ng panig ng iniibig nating Pilipinas at maging sa ibang bansa ay bahagi na ng pagdiriwang ng Pasko. May mga bayan sa lalawigan na gumagawa at nagbebenta ng mga magagandang parol. Isang dagdag-hanapbuhay tulad sa Pampanga, partikular sa Lungsod ng San Fernando. May nagdaraos din ng mga lantern parade bilang bahagi ng pagdiriwang.

Sa Angono, Rizal na Art Capital ng Pilipinas at bayan ng dalawang National Artist na sina Carlos Botong Francisco at Maestro Lucio San Pedro, ay tradisyon na ang LAKAD-PAROL. Ito ay ang “paglalakad” ng tatlong malaking parol na sinusundan ng 16 na estrelya sa Simbahan. Ginagawa ang Lakad-Parol sa gabi, tuwing bisperas ng Pasko.

Ang Lakad-Parol ay sinisimulan kapag inawit na ng choir ang “Gloria in Excelsis Deo bonae voluntatis” o Luwalhati/Papuri sa Diyos.

Ang tatlong malaking parol at 16 na estrelya ay nakabitin at hinihila sa mahabang kawad mula sa pintuan ng Simbahan hanggang sa tapat ng altar at ng Belen.

Ang malaking parol na may korona ay sumasagisag kay Hesus at ang dalawa ay ang Mahal na Birheng Maria at si San Jose.

Ang 16 na estrelya ay ang mga mananampalataya. Ang tatlong malaking parol ay tig-dalawang metro ang taas. Tatak-Angono rin na kung tawagin ay “bahay-langaw” na nakapalibot sa tatlong malaking parol.

Ang pondo sa paggwa ng tatlong malaking parol sa Angono, Rizal ay ipinangolekta sa bayan. Ang 16 na estrelya naman ay inihahanap ng mga sponsor na may puso sa pagtulong. Ang tatlong malaking parol sa Angono at ang 16 na estrelya ay makikita sa Simbahan ng Angono, mula Disyembre 16 hanggang sa pista ng Tatlong Hari. (Clemen Bautista)