Dahil sa pag-ihi sa maling lugar, dalawang katao ang nasawi habang isa naman ang sugatan sa Barangay Commonwealth, Quezon City, iniulat kahapon.
Kinilala ni Police Supt. Lito E. Patay, hepe ng Batasan Police Station, ang mga nasawi na sina Aniceto Magsanay, 48, taxi driver at nakatira sa Purok 8, Unit 5, Bgy. Commonwealth, Quezon City; at “Josh”, 16, ng Purok 14, Kilyawan Street ng nasabi ring barangay.
Sugatan naman ang suspek na si Winifredo Abenuho, 51, kapitbahay ni Magsanay.
Sa inisyal na ulat ni SPO1 Zaldy Notarte, dakong 5:00 ng hapon nangyari ang madugong insidente sa Purok 8 ng nasabing barangay.
Umiihi umano si Magsanay sa gitna ng kalye at siya’y sinigawan ni Abenuho ng: “Sige, galingan mo ang pag- ihi!”.
Sa puntong ito, nagkasagutan at nagkainitan na ang dalawa at nang umuwi sandali si Abenuho ay bumalik itong armado na ng baril saka pinagbabaril si Magsanay.
Tinamaan naman si Josh ng ligaw na bala na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Mahigpit ngayong binabantayan sa ospital si Abenuho ng mga tauhan ng Batasan Police Station. (Jun Fabon)