Nakakulong na ang tricycle driver na umano’y sumaksak at pumatay sa kanyang kaibigan nang awatin siya nito sa pagwawala sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sinampahan na ng kasong murder si Anthony de la Paz, ng 750 Interior 15 J. Planas Street, Gagalangin, Tondo, Maynila makaraang mapatay si Romeo Agocejo, 49, karpintero at residente ng 753-A Kagandahan St., Gagalangin, Tondo, dakong 6:00 ng gabi noong Disyembre 20.
Sa ulat ni SPO2 Joseph Kabigting, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nabatid na sa Cavite nila inaresto ang suspek, bago tuluyang ikinulong sa kanilang tanggapan.
Ayon kay Jack Louie Hernandez, 18, testigo, siya sana ang sasaksakin ng suspek ngunit inawat ni Agocejo si De la Paz.
Ikinagalit naman umano ng suspek ang ginawa ng biktima kaya ito ang pinagbalingan hanggang sa ito’y pinatay.
Sinasabing basketball ang pinag-ugatan ng galit ng suspek dahil hindi umano pinagbigyan ni Hernandez si De la Paz na mahawakan ang bola dahil lasing umano ito. (Mary Ann Santiago)