Maaaring buhay pa sana ngayon ang isang lalaki na sinaksak sa tiyan at lumuwa ang bituka, kung nagpadala agad ito sa ospital sa Binondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Sa ulat ni PO3 Roderick Magpale, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 3:30 ng madaling araw nang masaksak sa tiyan si Manny Gariando, 47, ng Gate 48, 216 Parola, Binondo, Maynila.
Gayunman, sa halip na magpadala sa ospital ay umuwi na lang umano ang biktima at humiga na lamang sa kanyang kama.
Dakong 7:00 na ng umaga nang madatnan ni Rodrigo, ama ng biktima, si Manny na duguan at nakaluwa ang bituka na sinubukan pang isugod sa ospital ngunit patay na ito.
Ayon kay Merlyn Pecana, huli niyang nakita ang biktima habang naglalakad pauwi at tukup-tukop ang tiyan ngunit hindi umano niya pinansin sa pag-aakalang aasikasuhin naman ito ng kanyang mga kaanak.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. (Mary Ann Santiago )