TUWANG-TUWA ang mga Heneral ng Philippine National Police (PNP) nang ipahayag ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na magbibigay si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng “limpak-limpak” na Christmas bonus, mula sa P50,000, P100,000 hanggang P400,000. Nang mabalitaan daw ito ng mga ginang ng PNP Generals (Chief Supt, Director, Deputy Director), lundagan sila sa galak dahil magiging masagana ang Pasko ng kanilang mga pamilya.
Gayunman, naunsiyami ang kagalakan nila nang ihayag ni Gen. Bato na wala raw palang pondo ang Malacañang para sa “hefty bonuses” ng mga pinuno ng PNP. Saan daw source kukunin ito? Marami tuloy ang naghihinala, kabilang ang kasamahan kong joggers at coffee drinkers, na naibigay din ang “limpak-limpak” na Christmas bonus subalit kumambiyo lang si Bato at ang Malacañang bunsod ng mga reklamo, puna, batikos mula sa taumbayan. Ano ba ito, pera na naging bato pa?
Sa katunayan, isa raw PNP official ang umamin na tumanggap siya ng bonus, pero ito ay sekreto lang. Sa pahayag ng Malacañang, sinabi ni Spokesman Ernesto Abella na hindi maipagkakaloob ang pangakong bonus dahil walang pondo para rito. “Eh, saan kukunin ang gayong halaga?” sambit-tanong ni Abella. Napurnada ang pagiging Santa Claus nina Bato at Du30 kung ganoon.
Bukod dito, parang “nagtatampo” raw ang mga Heneral ng AFP kung bakit sila ay walang “limpak-limpak” na Christmas bonus gayong sila at mga tauhan ay nakikipagpatayan sa mga terorista, Abu Sayyaf, BIFF at Maute Group. Nagrereklamo rin daw ang mga ordinaryong pulis at kawal kung bakit ang bibigyan lang ng malaking bonus ay mga opisyal gayong kaylalaki na ng kanilang sahod at “perks” kumpara sa suweldo ng ordinaryong tauhan.
Sa ibang tema naman, nagtatanong ang publiko kung sisibakin ni Mano Digong si DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II dahil sa pagkakasangkot ng dalawang BI deputy commissioner sa anomaly o suhulan mula kay casino gaming operator Jack Lam.
Noon, sinabi ni Pres. Rody na kahit konting anomalya o “whisper” na may kurapsiyon sa isang departamento, sisibakin niya ang sangkot dito pati na ang puno. Naghihintay ang mga Pinoy Mr. President kung tutuparin mo ang ganitong pahayag.
Sa harap ni bagong US Ambassador Kim Sung, muling binanatan ng machong presidente noong Lunes ang US dahil sa pagpigil sa tulong na $400 million bunsod ng umano’y paglabag sa human rights ng Du30 administration at extrajudicial killings kaugnay ng drug war ng pangulo. Aba, meron na raw 6,000 pusher at user ang naitutumba ng PNP, vigilantes, riding-in-tandem at sindikato sapul nang nahalal si Mano Digong.
Taliwas sa sapantaha ng mga kritiko at kalaban ni Sen. Leila de Lima na hindi na siya babalik sa Pilipinas, bumalik sa bansa si Sen. Leila kagabi mula sa US at Germany. Si De Lima ay may “balls” at paninindigan kumpara sa mga senador at kongresista na pawang urong ang mga “yagba” at takot na takot kay Du30. Kung si Obama, UN at EU ay tinitira ni Du30, siya pa kaya na isang senadora lang?
Maliban yata sa kanya, sina Sens. Ping Lacson, Antonio Trillanes (at paminsan-minsan sina Kiko Pangilinan, Drilon at Ralph Recto), Albay Rep. Edcel Lagman at Makabayan bloc sa Kamara, ang tumitindig at kumokontra kay Du30. Ang iba pa ay parang mga “asong bahag ang buntot” nanginginig sa takot kay Pres. Rody dahil baka sila makasama sa “public shaming” sapagkat alam ng pangulo na nasa listahan sila ng P10-billion pork barrel scam ni Janet Lim-Napoles.
(Bert de Guzman)