TIYAK na malilito ang mga manonood sa Extra Service ng Star Cinema at Skylight Films kung sino ang tititigan dahil naggagandahan ang tatlong bidang babae sa pelikulang showing na sa January 11, 2017.

Walang itulak-kabigin sa paseksihan at pagandahan ng mukha kina Arci Muñoz, Coleen Garcia at Jessy Mendiola.

Nag-enjoy maging ang kanilang direktor na si Direk Chris Martinez sa pakikipagtrabaho sa tatlo na hindi lang beautiful people kundi mahuhusay pang umarte.

“I’m a fan of beauty. Sa ganda nilang tatlo, parang sasabog ang frame,” sabi ni Direk Chris.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Pero fan din sina Jessy, Coleen at Arci ni Direk Chris (scriptwriter/director ng Ang Babae sa Septic Tank at iba pang critically acllaimed films), kaya swak na swak na sila ang magkakatrabaho sa Extra Service.

Gumaganap sina Coleen, Jessy at Arci bilang tatlong massage therapists sa araw at sexy secret agents by night. Ang pangalan nila ay Aw (Coleen), Em (Arci) at Gee (Jessy) at ang tawag sa kanila ay #SexySquad. Kasama nila sa pelikula sina Ejay Falcon, Vin Abrenica at Enzo Pineda.

Action/comedy ang Extra Service, magpapatawa at may action scenes sila kaya tinuruan sila ng Muay Thai at Al Capoeira. Inamin nina Arci, Coleen at Jessy na mahirap ang kanilang ginawa dahil hindi sila komedyante at lalong hindi naman action stars, pero sa guidance ni Direk Chris, nagawa nilang mahusay ang kanilang roles.

“Nang malaman kong magku-comedy ako, kinabahan ako dahil hindi ako nagku-comedy, ‘tapos mahiyain pa ako. Pero nang malaman kong si Direk Chris ang director, nakampante ako. Mahusay siyang director at sobrang bilis magtrabaho,” sabi ni Coleen.

Nagpasalamat din sina Arci at Jessy na si Chris ang kanilang director dahil masaya sa set, bukod sa mahusay itong humawak ng mga tao. Kaya wala silang rason para tumanggi sa pelikula nang i-offer ito sa kanila. (Nitz Miralles)