Patay ang isang street sweeper nang mabaril sa ulo ng isang matandang lalaki na umano’y biktima ng pambu-bully ng una sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Isinugod pa sa Ospital ng Sampaloc si Marvin Pizarras, 35, ng 976 Basilio Street, Sampaloc, ngunit hindi na umabot nang buhay habang kusang-loob namang sumuko sa pulisya at kasalukuyang nakakulong Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), si Domingo Jamero Jr., negosyante, ng 973 Basilio St., Sampaloc, Maynila.
Sa imbestigasyon ni PO3 Aldeen Legaspi, dakong 5:00 ng hapon nangyari ang insidente sa harap ng bahay ng suspek.
Ayon kay Angelee Amoyo, testigo, bago ang pamamaril ay mainitang nagtalo ang suspek at ang biktima dahil sa kariton ng basura na iniharang umano ni Pizarras sa harap ng bahay ni Jamero.
Sa kasagsagan ng pagtatalo ay pinagbabato umano ni Pizarras si Jamero kaya kumuha ito ng baril at nagpaputok ng warning shot sa lupa.
Pagtalikod umano ng biktima ay muling nagpaputok ang suspek at tinamaan sa ulo ang una na naging sanhi ng pagkamatay nito.
Nilinaw naman ng suspek na wala siyang intensiyong patayin ang biktima at sadyang napikon lang umano sa pambu-bully ng biktima.
Kasong homicide ang nakatakdang isampa laban kay Jamero. (MARY ANN SANTIAGO)