Sa selda ang bagsak ng isang lalaki matapos maaktuhang minamaneho ang isang nakaw na motorsiklo na pag-aari ng isang dayuhan sa Makati City, nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ni Makati City Police chief Senior Supt. Milo Pagtalunan ang naarestong suspek na si Johu Meavel Dela Cruz, 24, ng Langka Street, Barangay Comembo ng nasabing lungsod.
Sa ulat ng pulisya, dakong 7:30 ng gabi dinakip ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 9 si Dela Cruz sa Pembo Market, Bgy. Pembo.
Disyembre 10, ini-report sa awtoridad ng biktimang si Manish Gohil, Indian, ng Walingwaling St., Bgy. Pembo, Makati City, ang pagkakatangay ng kanyang SYM motorcycle (BEI 13824).
Inalerto naman ang mga pulis sa nasabing insidente hanggang sa maaktuhan si Dela Cruz na minamaneho ang nasabing motorsiklo na naging sanhi ng kanyang pagkakaaresto.
Bukod sa motorsiklo, nakuha rin sa suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspek. (Bella Gamotea)