HABANG nagpapakasaya ang ilang kandidata sa Miss Universe beauty pageant sa pagbisita sa mga tourist spot sa ating bansa, laging nakakintal sa aking isipan ang pahiwatig ng Duterte administration: Huwag ikukubli sa ating mga panauhin ang pamilya ng mga iskuwater na ang ilan ay naninirahan sa mga barung-barong sa gilid ng mga lansangan sa piling ng kanilang mga supling; halos maghapong naglilisaw-lisaw sa paghahanap ng kanilang ikabubuhay, lalo na sa mga lugar na babagtasin pa naman ng mga Miss Universe contestant patungo sa Mall of Asia na pagdadausan ng timpalak kagandahan sa Enero 30, 2017.
Maliwanag ang intensiyon ng administrasyon sa inihayag na paalala na maituturing na “order of the day”: Kailangang mailantad sa paningin ng sinuman – mga dayuhan man o mga kababayan natin – ang tunay na sitwasyon na naghahari sa ating mga komunidad. Walang daan ang mga pagkukunwari o hypocrisy sa paglalarawan ng katotohanan.
Hindi ko malilimutan ang mga estratehiya na ipinatupad ng nakaraang mga administrasyon tuwing tayo ay binibisita ng mga pinuno ng iba’t ibang estado at iba pang tanyag na mga personalidad. Noong dekada ‘70 nang unang idinaos dito ang Miss Universe pageant, mistulang tinakpan ang mga barung-barong o squatter shanties sa gilid ng mga lansangan na dinaanan ng mga beauty queen; pininturahan ng iba’t ibang kulay upang maikubli ang mga iskuwater o informal settlers na matatagpuan pa rin sa Intramuros at sa ilang panig sa Metro Manila.
Nang dinalaw tayo ni Pope Francis ilang taon na ang nakalilipas, ang buong pamilya ng mga yagit ay itinago naman sa maluluhong beach resort sa Batangas; kumpleto sa allowances at pagkain at tumagal sila roon hanggang hindi nakaaalis ang ating panauhin. Bakit kailangang ikubli ang tunay na larawan ng karukhaan sa paningin pa naman ng pangunahing alagad ng Diyos?
Totoong pangit sa paningin ang mga barung-barong at ang palabuy-laboy na tinaguriang mga batang-hamog. Subalit natitiyak ko na ang mga naninirahan dito ay mga Pilipino na bantog sa buong daigdig sa kanilang magiliw na pagtanggap ng mga panauhin o hospitality. Natitiyak ko na ang gayong kaugalian at kalagayan na bahagi ng mayamang kulturang Pilipino ay kaakit-akit sa pangmasid ng naggagandahang kalahok sa Miss Universe beauty pageant. Sila, natitiyak ko rin, ay laging naniniwala sa bukam-bibig ng isang makata: Laging may kagandahan sa kabila ng kapangitan.