July 23, 2026

Home BALITA

Elon Musk, kauna-unahang 'trillionaire' sa buong mundo; target madala mga tao sa Mars!

Elon Musk, kauna-unahang 'trillionaire' sa buong mundo; target madala mga tao sa Mars!
Photo courtesy: File photo

Kinikilala na ang negosyanteng si Elon Musk bilang kauna-unahang trilyonaryo sa buong mundo matapos umabot sa tinatayang isang trilyong dolyar ang yaman niya bunsod ng debut ng SpaceX sa stock market.

Nagtala ng isa sa pinakamalalaking initial public offering (IPO) sa kasaysayan ang SpaceX matapos makalikom ng mahigit $75 bilyon mula sa pagbebenta ng mga shares. Dahil dito, lumobo ang market value ng kompanya sa mahigit $2 trilyon at napabilang sa pinakamahahalagang korporasyon sa Estados Unidos.

Sa unang araw ng trading sa Nasdaq, umabot sa $176 bawat share ang presyo ng stock ng SpaceX bago nagsara sa $161.50, mas mataas kumpara sa initial offering price na $135 kada share.

Sa isang event sa Starbase, Texas, muling iginiit ni Elon Musk ang pangmatagalang layunin ng kompanya sa eksplorasyon ng kalawakan.

"SpaceX wants to be able to take you to the Moon, take you to Mars, and ultimately beyond," ani Musk.

National

US Pres. Trump, ipapaalam kay Chinese Pres. XI Jinping 'concerns' ng Pilipinas—Palasyo

Aniya pa, nananatili siyang kumpiyansa sa kakayahan ng kaniyang kompanya na maisakatuparan ang mga planong ito.

"I'm confident at this point that with the incredible team that we have here at SpaceX, that we will do that for you," dagdag niya.

Itinatag ni Musk ang SpaceX noong 2002 bilang isang rocket company, ngunit kalaunan, pinalawak ito upang maging pangunahing satellite operator at artificial intelligence conglomerate. Kabilang na rin ngayon sa grupo ang xAI at ang social media platform na X.

Malaki rin ang naging interes ng mga mamumuhunan sa IPO ng kompanya, na ayon sa mga ulat ay higit apat na beses na na-oversubscribe. Mataas din ang demand mula sa retail investors kung saan 20 porsiyento ng kabuuang shares ang inilaan para sa kanila.

Ayon kay Sarin Sio ng financial firm na Dovetail, isa sa mga dahilan ng malakas na suporta kay Musk ay ang kaniyang mga ambisyosong layunin para sa hinaharap.

"Musk sets very futuristic goals that no one else is doing, and I think that has got a lot of people excited," aniya.

Inaasahan ng mga analyst na ang matagumpay na IPO ng SpaceX ay maaaring magbukas ng daan para sa iba pang malalaking artificial intelligence companies na maglista rin sa stock market sa mga susunod na buwan.

Sa kabila ng mga kontrobersiyang kinaharap ni Musk dahil sa kaniyang mga pahayag sa social media at pakikilahok sa pulitika, nananatili pa rin ang matinding suporta ng mga investor sa kaniyang mga negosyo, bagay na lalong nagpatibay sa kaniyang posisyon bilang isa sa pinakamakapangyarihang negosyante sa mundo.