“CORRUPTION will stop. Wala akong papatawarin diyan, maski kaibigan. Sinabi ko talaga, maski kaming magkaibigan sinabi ko, ‘Pagka may nangyari diyan at under sa iyo. Kapag may nangyari sa ilalim mo, ikinalulungkot ko, marahil, kailangan ikaw ay mag-resign. Kasi ‘yan ang pangako ko. Hindi naman talaga ako yung honest, very honest. Pero matanda na kasi ako. I’m 71. This is my last hurrah.”
Ito ang winika ni Pangulong Digong sa kanyang arrival speech sa Combodia, Huwebes ng gabi. Nasabi niya ito nang umalingasaw na ang anomalyang kinasasangkutan nina Bureau of Immigration (BI) Deputy Commissioners Al Argosino at Michael Robles na umano’y nangikil ng P50 milyon sa business tycoon na si Jack Lam. Isang linggo na palang nasa kamay nila ang halagang ito. Sa loob ng linggong ito, isiniwalat naman ni Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aquirre III na sinuhulan daw siya ni Jack Lam. Nag-ugat ang kotongan, nang ipasara ng BI ang online gambling na ino-operate ni Lam sa Fontana Resort and Casino Clark, Pampanga at ipinahuli ang kanyang mga empleyado na pawang Chinese na ilegal na nagtatrabaho rito. Iyong suhol na P50 milyon ay kapalit ng pagpapalaya sa ilan sa mga Chinese employee ni Lam.
Sina Aguirre, Argosino at Robles ay kaeskuwela ni Pangulong Digong sa San Beda College of Law at brother niya sa Lex Taliones Fraternity. Bilang DoJ Secretary, nasa pamamahala ni Aguirre ang BI, kaya nasa ilalim niya sina Argosino at Robles. Hindi nabanggit ng Pangulo sa kanyang arrival speech kung si Aguirre ay pinagbibitiw niya bagamat malinaw ang sinabi ng Pangulo: “If anything happens under your watch, I’m sorry, maybe, even you would have to resign.”
Mariing dagok ito sa isinasagawa rin niyang kampanya laban sa corruption. Paano naman kasi, kahit iyong malalapit sa kanya ay sangkot din dito. Kaya nga isa sa mga katangian na pinagbatayan niya sa pagpili niya ng makakasama sa pagpapatakbo ng gobyerno ay iyong relasyon nila sa isa’t isa. Kilala niya sila at kilala naman siya ng mga ito. Alam niya na susunod sila sa kanya dahil alam nila ang kanyang ugali at paninindigan.
Ang problema, sa kasong ito ng suhulan na napakalaking pera ang pinag-uusapan, walang pagkakaibigan at paninindigan. Malaki ang epekto nito sa anti-corruption ng Pangulo kapag wala siyang ginawang pagkakatandaan ng mga gumawa ng anomalya at ng mga taong namamahala sa kanila. Mabubutasan na siya. Ito ang pinakamagandang pagkakataon para patunayan niya na tapat siya sa kanyang binibitiwang salita.
Kailangang ipakita niya na malaki ang kanyang pagkakaiba sa mga pinuno ng gobyernong nauna sa kanya. Walang dahilan o anumang hakbang na magiging katanggap-tanggap sa bayan para magtalusira siya sa kanyang pangako at panatilihin niya sa kanyang gobyerno ang mga taong sangkot sa anomalya. Kasi ang kapalit nito ay epidemya na rin na animo’y droga na kakalat sa lahat ng sangay ng pamahalaan. (Ric Valmonte)