Patay ang isa sa riding-in-tandem matapos makipagbarilan sa nagpapatrulyang mga pulis habang nakatakas naman ang kasama nito sa Caloocan City, nitong Miyerkules ng gabi.
Ang nasawing suspek ay inilarawang nasa edad 35 hanggang 40, may taas na 5’7”, katamtaman ang pangangatawan, kayumanggi at may mga tattoo sa katawan.
Sa report ni PO3 Noel Bollosa, dakong 11:45 ng gabi, nagsasagawa ng criminality campaign ang mga tauhan ng Criminal Investigation Division Unit (CIDU) sa kahabaan ng C-4, kanto ng Sabalo Street, Barangay 8, Caloocan City.
Namataan ni SPO4 Ronald Batalla ang dalawang lalaki na nasa madilim na bahagi ng nasabing lugar. Ang isa ay nakasakay sa motorsiklo at ang isa nama’y nakatayo na tila nag-aabang umano ng mahoholdap.
Nagpasyang lumapit ang mga pulis at tuluyan umano silang pinagbabaril ng mga suspek. Tinamaan si PO3 Tito Casim sa dibdib ngunit hindi ito nasaktan dahil sa suot na bullet proof.
Nagdesisyon ang mga pulis na paputukan ang dalawang suspek na naging sanhi ng pagkamatay ng isa sa mga ito habang humarurot palayo ang isa pa. (Orly L. Barcala)