JINGLE bells, jingle bells, jingle all the way!
Oh, what fun is it to ride in a one horse open sleigh, hey!
Naka-singing mode na naman si Boy Commute. Palibhasa’y 10 araw na lang ay Pasko na naman.
Nakapag-shopping na ba kayo? O batid n’yo na kung saan kayo magtatago upang makaiwas sa mga inaanak? Walang ganyanan, ha!
Teka, kaya muling napapakanta si Boy Commute ay dahil sa naglipanang kabataan na sumasampa sa mga pampasaherong jeep at bus upang mangaroling.
Kasabay ng kanilang pag-awit ng mga Christmas carol ay ang paghataw nila sa mga binutas na lata na ginawang tambol, kasabay ng pagwawasiwas ng mga itinaling tansan, at kumpleto na ang kanilang instrumento.
Marahil ay walang ensayo dahil halos mistulang isang tula ang kanilang mga inaawit…iisa ang tono at walang kabuhay-buhay ang dating.
May simpatya si Boy Commute sa mga nangangaroling. Noong kanyang kabataan, naglalagare rin si Boy Commute sa mga bahay-bahay sa kanilang komunidad sa Pandacan, Manila para mangaroling.
Dahil sa kagustuhang mabili ang kanyang paboritong laruan, lalo na ‘yung maliliit na sasakyang Matchbox, kinakapalan ni Boy Commute ang kanyang mukha at sumasabak sa pangangaroling.
Galing si Boy Commute sa pamilya na tinaguriang “middle class” at ang kanyang pangangaroling ay upang makabili lamang ng mga laruan na hindi na naibigay ng kanyang mga magulang dahil may ibang regalo para sa kanya.
Sa halip na ibili ng laruan, gumagastos ang mga magulang ni Boy Commute sa mga damit, gamit pang-eskuwela, o paboritong pagkain ng magkakapatid. Sayang daw kasi ang pera kung sa laruan lang mapupunta.
At dahil sa pagpupumilit na magkaroon ng kanyang paboritong laruan, nangangaroling si Boy Commute.
Fall on your knees…oh hear the Angel voices! Oh night, divine!
Papikit-pikit pa kapag humahataw, with feelings kapag bumanat.
At dahil naka-isputing si Boy Commute kapag nangangaroling, halos lahat ng kanyang inaawitan ay nagbibigay ng pamasko. Palibhasa’y idinadaan hindi lang sa pagkanta, ngunit maging sa porma.
Sa kanyang pagsakay sa jeep nitong mga nakaraang araw, natunaw ang puso ni Boy Commute sa pagdagsa ng kabataan na nangangaroling.
Sumasampa sa jeep, walang tsinelas, at madungis. Pagmasdan n’yo lang ang kanilang mukha at ramdam n’yo na ang gutom na kanilang tinitiis.
Nasaan na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD)? Nasaan ang Simbahang Katoliko?
Panay ang dakdak n’yo na ‘wag sanayin na abutan ang mga maralitang kabataan na pakalat-kalat sa lansangan upang mamalimos. Ngayong Pasko na, ano na? (ARIS R. ILAGAN)