Kamatayan ang naging kapalit sa pag-unlad sa buhay ng isang mag-asawang negosyante matapos silang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan, agad nasawi sina Angelito Rarugal, 49 at Rodito, 50, ng No. 13-A M.H. del Pilar Street, Barangay Tugatog ng nasabing lungsod.
Dakong 1:00 ng madaling araw, sa tapat ng kanilang bahay, inihahanda umano ng mag-asawa ang kanilang paninda nang sumulpot ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo at pinagbabaril ang dalawa.
Ayon sa anak ng mga biktima, madalas makatanggap ng death treat ang kanyang mga magulang sa pamamagitan ng text message.
Nabatid na marami umanong naiinggit sa mag-asawang Rarugal dahil malakas ang negosyo ng mga ito. (Orly L. Barcala)