ISANG kaibigan ang nagbigay sa akin ng ilang pahinang pag-aaral. Sinaliksik o basta kinumpuning pananaw tungkol sa naghihingalong kalagayan ng trapiko sa Metro Manila. At kung anu-anong solusyon ang kinakailangan upang malutas ang mistulang usad-pagong na mga sasakyan, partikular na sa Edsa.
Hiningan niya ako ng komento tungkol sa nasabing pag-aaral na ginayakan pa ng folder. Sa aking pagbabasa, malinaw sa naging halo-halong dahilan na lito rin siya hinggil sa panimula at dulo ng kanyang pagdadahilan.
Pakiwari ko, sumasalamin ito sa sumisigaw na katotohanan na talagang sukdulan na ang kawalan ng pag-asa upang magkaroon ng ilaw sa dulo ng tumitinding pagsikip ng lansangan. Oo nga pala, may nakalakip pang panalangin ang pinagnilayang obra. Ang kailangan daw sa trapik ay pagbabago ng loob.
Bigayan sa daan sa halip na mag-agawan at mag-unahan. Dahil halos kasing-gulang niya ang aking ama, inalalayan ko ang inihatid na reaksiyon.
Kailangan usisain niya ang tinaguriang “cause and effect” sa nasabing usapin. Bale, hindi ang trapik ang puno’t dulo ng problema, o ang gasgas na “kakulangan ng disiplina”.
Bagkus, epekto lang ito ng mas malalim na kaganapan. Bilang paglilinaw, binanggit ko ang kasalukuyang Harrison Plaza, sa Adriatico, Manila. Isang malawak na mall at may espasyong pinapaupahan pa sa SM. ‘Di ba sa kasalukuyan, mabigat na ang bilang ng sasakyang bumabaybay sa nasabing lugar? Eto ngayon ang siste – ang kaharap na Rizal Memorial Stadium napag-uusapang bilhin (o nabili na) ng isang bilyonaryong negosyante.
Sisirain ang makasaysayang pambansang palaruan sa palakasan upang gawing mall at patatayuan ng condo! Sa murang pagtatanong, ano kaya ang mangyayari kapag natuloy at natapos na ang nasabing proyekto? Eh, ‘di parang pinukpok natin ang sariling ulo dahil mas pinatindi pa ang marahil hindi na gagalaw na trapiko sa nasabing pook?
Maitanong lang – ano ba talaga ang gusto natin? Bakit ganito na lang ang palakad ng mga awtoridad kung totoong seryoso sa paghahanap ng solusyon? O gumawa ng espasyo sa kalakhang daluyan?
Tulad ng mga una ko nang nailathala, ang negosyante at mamumuhunan ang kumukumpas sa paglala ng trapiko, habang ang pulitiko may sala kung bakit binabae nilang tinatanggap ang “lagay”, sabay tumitiwalag sa tama sanang “sustainable zoning at urban development”.