Duguang bumulagta sa semento ang dalawang drug surrenderer makaraang pagbabarilin ng mga ‘di pa nakikilalang lalaki sa magkahiwalay na insidente sa Barangay Malanday, Marikina City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), dakong 8:45 ng gabi binaril at pinatay ng mga lalaking lulan sa apat na motorsiklo si Ramilo Jhon Daracan, alyas “Palong”, nasa hustong gulang, ng Rosal Street, Paradise, Barangay Malanday.
Naglalakad umano ang biktima sa Minahan Interior sa Bgy. Malanday nang paputukan ito ng mga suspek at tuluyang nagsitakas.
Samantala, makalipas ang 10 minuto, dakong 8:55 ng gabi pinatay ng mga ‘di pa nakikilalang armado si Glenn Torralba, alyas “Bobot”, 45, tubong Davao City at residente ng Phase 1, Kabayani Road, Purok 5, sa Bgy. Malanday.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga nagsitakas na suspek.
Ang dalawang biktima ay kabilang umano sa drug watch list ngunit sumuko na sa Oplan Tokhang. (Mary Ann Santiago)