NAKATUON ang 2016 National Volunteer Month (NVM) sa temang “Volunteer for Sustainable and Inclusive Development:
Isulong, Ibahagi, Iugnay, Isagawa!” bilang pagsuporta sa pangako ng Pilipinas sa pandaigdigang Sustainable Development Goals (SDGs) at balakin ng gobyerno na maibsan ang kahirapan at magitaguyod ang good governance.
Nangunguna sa pagpaplano at pag-oorganisa ng taunang NVM ang Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency (NVM-SC), sa tulong ng National Volunteer Month Steering Committee (NVM-SC) na binubuo ng mga kinatawan mula sa gobyerno at pribadong sektor.
Isa sa mahahalagang bahagi ng taunang NVM ang Search for Outstanding Volunteers (SOV). Kinikilala sa isang seremonya sa Quezon City ang siyam na national awardees na kumakatawan sa iba’t ibang larangan sa pagboboluntaryo. Upang mapalawak ang kamalayan ng mga Pilipino sa kahanga-hangang pagboboluntaryo at maengganyo sila na makibahagi sa pag-aambag sa paglago ng mga komunidad sa buong bansa, nakipagtulungan ang PNVSCA sa Commission on Higher Education (CHED) sa pagsasagawa ng Volunteerism Story Writing Contest ng mga estudyante sa kolehiyo na nagtapos o sumasailalim sa National Service Training Program (NSTP).
Ang iba pang mga aktibidad na magaganap ay ang forum tungkol sa volunteerism, volunteer management seminar, volunteers’ day, “Buwan ng Bayanihan” sa Quezon City, BPI Bayan Pitch Day – Selection of Top 10 Employee Volunteer Groups, at Kapihan at LCF na tampok ang “Bida and Volunteer: Narratives of Noble Acts.” Mayroon ding mga local event sa pakikipagtulungan ng National Economic and Development Authority (NEDA), Regional Offices (NROs) at ang Regional Planning and Development Office ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (RPDO-ARMM) kasama ang iba pang sangay ng gobyerno at mga pribadong institusyon.
Alinsunod ang taunang pagdiriwang ng NVM sa Presidential Proclamation No. 55, s. 1998, na ang layunin ay “(to) promote volunteerism as tool for development in both government and private sectors, heighten the ‘bayanihan’ spirit and instill the value of service to others.”
Sa ating pagdiriwang ng 2016 NVM, kinikilala natin ang libu-libong mga Pilipino na boluntaryong tumutulong, na may makataong diwa, na nakararamdam ng kagalakan at katuparan sa pagsisilbi sa kapwa at sa komunidad na walang anumang hinihintay na kapalit. Dahil alam nila, gaya nga ng sinabi ni Mahatma Gandi, “the best way to find oneself is losing in the service of others.”