Kinailangang isugod sa ospital ang isang 18-anyos na babae matapos nitong ipalaglag ang tatlong buwang gulang niyang anak sa Sta. Cruz, Maynila, iniulat kahapon.
Kinailangang raspahin ang suspek na taga-Valenzuela City, may kinakasama, dahil sa pagpapalaglag ng kanyang sanggol.
Sa ulat ni Det. Jonathan Bautista, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 4:00 ng hapon nitong Disyembre 5, uminom ng pampalaglag ang suspek.
Gayunman, hindi kaagad umepekto ang gamot at kamakalawa lamang nakaramdam ng labis na pananakit ng tiyan.
Pinilit umano ng suspek na makauwi sa kanyang ina sa Claro M. Recto Avenue sa Sta. Cruz, Maynila at nagpasugod sa ospital.
Dito na umamin ang suspek na buntis siya at uminom ng pampalaglag sa dahilang hindi pa umano ito handa na maging ina.
(Mary Ann Santiago)