BASURA ang turing ni Sen. Antonio Trillanes IV sa kalalabas na report ng Senate committee on justice and human rights tungkol sa inimbestigahan nitong extrajudicial killing (EJK). Wala raw kasing kinalaman si Pangulong Digong sa mga naganap na EJK gayong maliwanag naman, aniya, ang naging testimonya ni Edgar Matobato tungkol sa Davao Death Squad (DDS).

Matatandaang inamin nito sa Senado na miyembro siya ng DDS, na itinatag umano ng Pangulo noong alkalde pa siya ng Davao City, at nagsagawa ng mahigit 1,000 pagpatay. Ayon kay Trillanes, naipakita ni Matobato, sa paglalatag ng ebidensiya, ang kanyang relasyon sa opisina ng alkalde. Pero, hindi naman naipakita nina Sens. Trillanes at Leila de Lima na mapagkakatiwalaang testigo ito, ayon naman ni Gordon.

Naniniwala naman si Sen. Ping Lacson na napalalim pa sana ang committee report kung naisalang ng komite ang ilan pang testigo sa kanilang mga pagdinig. Ang problema nga ay tinapos kaagad ang pagdinig pagkatapos ng anim na meeting at hindi na dininig ang mga testigong inihelera na noon ng Commission on Human Rights na siyang reklamo ni De Lima.

“Anu’t ano pa man,” sabi ni Sen. Lacson, “hindi naman yan (committee report) conclusive na hindi state-sponsored, kundi so far walang ebidensiyang maipakita na state-sponsored ang nangyayaring pagpatay. Kasi walang namang naipakita sa mga dumalo sa pagdinig.”

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Pero, kailangan pa ba ang pagdinig ng Kongreso, Senado man o Kamara, at ang report nito upang makumpirmang state-sponsored ang EJK? Eh, bukod sa mga naunang publikong pulong kung saan siya ay nagsalita, nagsalita rin ang Pangulo sa pagtitipon sa Mandaluyong City at Camp Aguinaldo nang ilipat niya ang liderato ng Armed Forces of the Philippines nitong mga nakaraang araw at sinabi niyang “Papatayin ko kayo”. Paulit-ulit niyang binibigkas ito. Ang binantaan niya, at patuloy na binabantaan, ay ang mga sangkot sa droga.

Inatasan pa niya ang mga pulis at sundalo na patayin ang sinumang inaaresto nilang sangkot sa droga kapag ito ay nanlaban at nalagay sa panganib ang kanilang buhay. Araw-araw ay may pinapatay na umano’y sangkot sa droga. Kung hindi ito nanlaban sa pulis, ito ay bangkay nang nakatimbuwang sa kalye o nakasilid sa sako na ibinalot sa packaging tape ang mukha. Pinapasok... ng mga nakamaskara at binabaril sa loob ng bahay ang biktima.

Sa loob nga ng piitan sa Baybay, Leyte binaril at pinatay ng mga pulis ng CIDG Region 8 ang umanoy ay drug lord na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr. Dahil lumabas sa imbestigasyon ng NBI na rubout o murder ang paraan ng pagpatay sa alkalde, na salungat sa sinabi ng mga pulis na binaril nila ito dahil nanlaban, hindi raw papayagan ng Pangulo na makulong ang mga pulis na ito. Kung hindi state-sponsored, state policy ang EJK. (Ric Valmonte)