Sa mismong selda nalagutan ng hininga ang isang bilanggo na patay na nang madiskubre ng kapwa niya inmate sa Manila Police District (MPD)-Station 2 sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Julio Patricio, 52, ng 330 S. Dela Cruz Street, Tondo at siya ay nadiskubre ni Rodel Cudia, dakong 8:45 ng gabi.
Sa ulat ni PO2 Charles Licyayo, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), huling nakita ni Cudia si Patricio na idinadaing ang pananakit ng tiyan at matinding pagdudumi, dakong 8:30 ng gabi.
Maya-maya’y nakaamoy umano si Cudia nang hindi kanais-nais na amoy at nang lapitan ang biktima ay hindi na umano ito humihinga.
Dahil dito’y agad umanong ipinaalam ni Cudia kina SPO2 Gene Reyes at PO2 Mart Roque ang insidente at isinugod si Patricio sa ospital ngunit patay na ito. (Mary Ann Santiago)