Binatikos ng mga motorista ang plano ng pamunuan ng Veterans’ Memorial Medical Center (VMMC) na maningil ng P500 sa mga dadaan sa bakuran ng ospital upang makaiwas sa matinding trapiko sa North Avenue sa Quezon City.

Ayon sa mga motoristang nakapanayam ng Balita, hinding-hindi sila maglalabas ng pera bilang kabayaran sa VMMC kapalit ng pagpasok o pagdaan sa gate ng ospital sa North Avenue palabas sa Mindanao Avenue, o pagdaan sa Mindanao Avenue palabas sa North Avenue.

Una nang inihayag ni VMMC acting Director Eduardo Del Rosario na ang P500 na sisingilin ay bayad sa sticker ng ospital na magsisilbing gate pass ng mga pribadong sasakyang dadaan sa alternatibong 1.5-kilometrong kalsada nito.

“Bakit pa ako dadaan d’yan (VMMC) kung magbabayad pa ng P500? Imbes na makatulong sila sa atin, lumalabas na sila pa ang tutulungan natin,” himutok ng isa sa mga motoristang ayaw magpabanggit ng pangalan.

National

China, walang natanggap na asylum application sa kampo ni FPRRD

Bubuksan ng VMMC sa mga motorista ang main gate ng ospital simula 6:00 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga, at 4:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi.

Mapapadali ng 10-15 minuto ang biyahe ng mga papuntang Balintawak at North Luzon Expressway kung dadaan sa VMMC, ayon kay Del Rosario. (Rommel P. Tabbad)